NASORPRESA ang isang babae nang tiketan ng pulis nang rumampa sa kalsada habang nakasuot ng napakaikling shorts sa Caloocan City.
Sa social media ibinuhos ng babaeng si alyas Imee ang sama ng loob sa pangyayaring nag-ugat dahil umano sa kanyang paglabag sa Ordinance 439 o Caloocan City Dress Code in Public Places na ipinasa noon pang 2007.
Napag-alamang may ide-deliver si Imee nang maispatan ng parak at inisyuhan ng “warning” ticket dahil “first time” pa lang niyang sumuway sa nasabing ordinansa.
Akala umano ni Imee ay may kinalaman sa face mask ang pagsita sa kanya at nagulat na lamang nang malamang dahil pala sa kanyang suot na shorts ang iniisyung tiket.
Paiimbestigahan na umano ng pamahalaang lungsod ang insidente
Dati nang naging kontrobersyal ang pagpapatupad ng nasabing ordinansa na nakasaad ang pagbabawal sa mga pampublikong lugar sa mga nakahubad, nakasuot ng shorts, sando, sleeveless o sira-sirang damit. (ALAIN AJERO)
217 