APAT na indibidwal, kabilang ang isang babae na siyang target ng operasyon, ang binitbit ng mga operatiba ng Manila Police District sa inilatag na buy-bust operation sa Baseco Compound, Port Area, Manila noong Martes ng hapon.
Kinilala ang target ng operasyon na si Norma Batua y Ahito, 40-anyos, residente ng 12th Street, Barangay 650, Port Area.
Samantala, swak din sa operasyon ang umano’y mga buyer ni Batua na sina alyas “Toto”, miyembro ng Batang City Jail, residente ng Baseco Compound, Port Area; isang alyas ” Murphy”, 39, kaanib ng Sputnik Gang, at isang alyas “Danica”, kapwa ng residente ng #1933 Tioco St., Barangay 91, Tondo.
Base sa ulat ni P/Lt. Col. Robert Domingo, commander ng MPD- Station 13, bandang 2:30 ng hapon nang isagawa ang buy-bust operation sa kahabaan ng 12th Street sa Port Area.
Habang nag-aabutan ng pera kapalit ng shabu ay dinamba ng mga awtoridad si Batua gayundin ang tatlo niyang buyer.
Nakumpiska kay Batua ang anim na sachet ng umano’y shabu na umabot sa 51.9 gramo na tinatayang P352,000 ang street value.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (RENE CRISOSTOMO)
224
