NABABAHALA na si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa kalagayan ng health care system ng
bansa matapos iulat ng Department of Health (DOH) na nasa “danger zone” na ang mga
pagamutan sa Metro Manila dahil okupado na ang mahigit 82% ng COVID-19 bed capacity sanhi ng
pagdagsa ng pasyenteng nahawahan ng virus.
Sa pahayag, sinabi ni Drilon na lubha nang nakaaalarma ang sitwasyon ng health care system sa
bansa dahil dumadami ang nagkakasakit sa virus sanhi ng kawalan ng kumprehensibo at
pangkalahatang plano upang labanan ang sakit.
“It’s a cause for alarm. Hospital beds are running out. Patients were dying while waiting for hospital
beds. Patients are already spreading the virus while waiting for their test results,” ayon kay Drilon.
“These are the issues that millions of Filipinos, myself included, wanted to hear from the
President’s 5th State of the Nation Address,” giit niya.
Ibinabala pa ng DOH na malapit nang manghingalo ang health care system sa bansa at malapit na
rin sa warning zone ang mga ospital sa Calabarzon at Central Luzon dahil umabot na sa 50% ang
okupadong kama sa kani-kanilang lugar.
Muling iginiit ni Drilon na kailangan nang lumikha ng kumprehensibong plano upang tugunan ang
pandemya, tumaas na bilang ng nahahawa at epekto nito sa ekonomiya.
Sinabi ni Drilon na hindi na maaari pang sumandal ang pamahalaan sa mga nakalipas na
estratehiyang ginamit tulad ng shotgun approach sa pagpapatupad ng pinakamatagal at
pinakamahigpit na lockdown sa buong mundo, na lubhang pumalpak. (ESTONG REYES)
