NABULABOG ang mga aspirante para alkalde ng lungsod ng Maynila, makaraang humabol si Manila 5th District Rep. Amado Bagatsing isang oras bago pa tuluyang matapos ang itinakdang deadline ng Commission on Elections (Comelec) para sa last minute substitution.
Sa tala ng Comelec, dakong alas 4:00 ng hapon nang dumating si Bagatsing sa tanggapan ng komisyon sa kalye Arroceros sa Ermita, Maynila kung saan naghihintay ang mga tagasuportang miyembro ng “Kabaka” na itinatag mismo ng kongresista may dalawang dekada na ang nakararaan.
Paliwanag ni Bagatsing, pinili niyang tumakbong alkalde ng Maynila sa hangaring pantayan – kung hindi man mahigitan, ang mga nagawa ni Manila Mayor Isko Moreno para sa kabisera ng bansa.
Aniya, layon niyang lalo pang paunlarin ang Maynila, kasabay ng pangakong pagsibak at pagpapanagot sa mga tiwaling nasa loob mismo ng Manila City Hall.
“Maraming sindikato sa loob ng MCH,” saad naman ni Eric Balbuena na tumayong tagapagsalita ni Bagatsing.
Bukod kay Bagatsing, kumakandidato rin para sa posisyon ng alkalde sa Maynila sina Alex Lopez, Elmer Jamias at Vice Mayor Honey Lacuna. (RENE CRISOSTOMO)
