Bago magretiro CJ PERALTA, POKUS SA MARCOS CASE

NELSON S. BADILLA

MAGPOPOKUS ang Korte Suprema na siya ring Presidential Electoral Tribunal (PET) sa protestang elektoral na isinampa ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. laban kay Bise Presidente Maria Leonor “Leni” Robredo dahil sa malawakang dayaan sa eleksyon sa pangalawang pangulo ng bansa noong 2016.

Ito ang pasya ni Chief Justice Diosdado Peralta bilang pinuno rin ng PET nang ibasura ng huli ang posisyon ni Associate Justice Marvic Leonen na pagpaliwanagin si Solicitor General Jose Calida hinggil sa mosyon nitong tanggalin si Leonen sa paghawak at pagiging ponente ng kaso ni Marcos at si Manila Times reporter Jomar Canlas dahil inilabas nito sa istorya ang pananaw at kagustuhan ni Leonen na ibasura ang demanda ni Marcos laban kay Robredo.

Matatandaang naghain ng mosyon ang Office of the Solicitor General (OSG), sa pamumuno ni Calida, sa PET na humiling sa pagsibak kay Leonen bilang “officer in charge” ng kaso ni BBM dahil malakas at matibay ang mga ebidensiyang magpapatunay na ‘kaaway’ ni Leonen ang pamilya Marcos at kanilang mga kaibigan.

Idiniin ni Calida na umaksyon ang OSG laban kay Leonen bilang “Tribune of the People”.

Ibig sabihin, nakabatay ang mosyon sa diwa ng malaman ng mamamayang Pilipino ang katotohanan hinggil sa tunay na nanalo sa halalan sa pangalawang pangulo ng bansa.

Sa kaso naman ni Canlas, naniniwala si Leonen na dapat hindi ilabas sa media ang kanyang 25-pahinang paliwanag kung bakit kailangang ibasura ng PET ang protestang elektoral ni Marcos.

Inilabas umano ni Leonen ang kanyang posisyon bago pa man maglabas ng desisyon ang orihinal na ponente ng kaso na si dating Justice Alfredo Benjamin Caguioa.

Ayon kay Peralta, binago ng PET ang utos ni Leonen kina Calida at Canlas dahil mas mahalagang magpokus ang mga mahistrado sa kaso ni Marcos.

Noong Hunyo 29, 2016 pa inihabla ni Marcos si Robredo sa PET.

Sa Oktubre 2021 ay magsisimula nang maghain ng certificates of candidacies (COCs) ang tatakbong pangulo, pangalawang pangulo at iba pang posisyon hanggang sa mga pamahalaang lokal.

Kamakalawa, inanunsiyo ng Public Information Office (PIO) ng Korte Suprema na magreretiro na si Peralta sa Marso 27, 2021, sa halip na sa Marso 27, 2022 kung saan 70 taong gulang na ang punong mahistrado.

Hindi binanggit ni Peralta ang dahilan sa maagang pagreretiro nito.

Bilang pinuno ng mataas na korte at PET, pinaniniwalaang ang protestang elektoral ni BBM ang isa sa mga tatapusin nito, alinsunod sa desisyon ng PET na pagtuunan ng kaukulang panahon ang kaso ni Marcos laban kay Robredo.

269

Related posts

Leave a Comment