NAGING maagap ang mga tauhan ni PNP-PRO5 Regional Director P/BGen. Jonnel C. Estomo, na supilin ang pagwawala at paghahamon ng away ng isang armadong lalaki sa bayan ng Placer, sa lalawigan ng Masbate.
Ayon sa ulat na ibinahagi ni PNP-PRO5 Public Information Office chief, P/Major Malou Calubaquib, nangyari ang insidente bandang alas-singko ng hapon noong Sabado sa Sito Gailan, Brgy. Na-inday sa bayan ng Placer.
Kinilala ang suspek na si Retson Pepito y Diaz, 37, may asawa, magsasaka, nakatira sa nabanggit na bayan ng Masbate.
Armado ng homemade shotgun ang suspek nang abutan ng mga tauhan ng 1st Maneuver Platoon Masbate 2nd Police Mobile Force Company makaraang isumbong ng mga residente ang hinggil sa pagwawala nito.
Nauna rito, nakipagtalo umano ang suspek sa isang Emmanuel Nava y Verdida na nagresulta sa pagwawala at paghahamon ng una na armado ng sumpak.
Ang suspek ay nasa kustodiya na ng Placer MPS para sa kaukulang disposisyon. Ito ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.” (JESSE KABEL)
