DAVAO City – Sinimulan nang imbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI)-Davao ang 90 affiliated hospitals ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), gayundin ang mga doktor sa rehiyon, bago pa man pumutok ang isyu sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM) noong Agosto nitong taon.
Ibinunyag ni Geraldo De Luna, NBI-Davao Special Investigator III, kabilang sa nagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa anomalya sa PhilHealth, nakatanggap ang kanilang ahensya ng direktiba na imbestigahan ang 90 ospital at mga doktor.
Inilabas ang nasabing kautusan ng tanggapan ni dating Chief Operating Officer (COO) at PhilHealth Executive Vice President (EVP) Ruben John A. Basa, noong Hulyo 19, 2019.
Sinabi ni De Luna, ang kanilang imbestigasyon noong panahong ‘yun ay hindi na-fast-tracked dahil si dating PhilHealth President at Chief Executive Officer (CEO) Ricardo Morales ay agad nagpadala ng memorandum order sa lahat ng tanggapan ng PhilHealth regional offices na lahat ng ipalalabas na mga dokumento ay kailangang daraan sa kanilang central office sa Manila.
Ang memorandum order ay may petsang Setyembre 2019.
Habang nangako naman ang PhilHealth-Davao na magpapalabas sila ng pahayag sa mga susunod na araw tungkol sa nasabing memo.
Ngunit nilinaw naman ni De Luna na ang nasabing mga kaso ay walang kaugnayan sa IRM dahil halos mga “upcasing” lamang ang mga ito.
Ang “upcasing” ay para sa mga doktor o ospital na nag-upgrade sa diagnosis ng pasyente upang makakuha ng mas malaking PhilHealth claims.
Halimbawa nito, kung ang pasyente ay mayroon lamang common sickness kagaya ng ubo o sipon, ang mga doktor o ospital ay nagpapalabas ng diagnosis na isa na itong community acquired pneumonia dahil malaking halaga ng benepisyo ang kanilang makukuha mula sa PhilHealth.
“Sa upcasing, wala namang makukuha ang doctor niyan kasi may fixed professional fee sila, so ang hospital lang (meron),” paglilinaw ni De Luna.
Matapos ang Senate inquiry sa isyu ng IRM ng PhilHealth, binuo na ng Department of Justice ang task force na tututok sa anomalya ng PhilHealth kaya’t di na istrikto ang pagpapalabas ng mga dokumento na kinakailangan para sa investigating body. (DONDON DINOY)
