BAGONG COMMUNITY QUARANTINE IAANUNSYO NI PDU30 SA LUNES

INAASAHAN na maga-anunsyo si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng bagong community quarantine classifications sa darating na Lunes, Agosto. 17, isang araw bago mapaso ang strict lockdown sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.

Hanggang sa darating na Martes pa kasi, Agosto 18, mananatiling nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine sa Metro Manila, mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal
matapos pagbigyan ng Pangulo ang apela ng mga health worker para sa “time out” bunsod ng pagsirit ng COVID-19 infections.

“Inaasahan po natin na magmemensahe sa taumbayan muli ang ating Presidente sa Aug. 17 kung saan iaanunsyo rin niya ‘yung bagong classifications,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry
Roque.

Nauna rito, sinabi ni Sec. Roque na “highly unlikely” para sa pamahalaan na panatilihin ang Metro Manila at mga tinatawag na neighboring economic hubs sa ilalim ng MECQ dahil sa pagkaubos ng resources para tugunan ang pandemya na dala ng coronavirus.

Bukod sa Metro Manila at 4 na nakapalibot na lalawigan, ang nalalabing lugar sa bansa ay hinati sa general community quarantine at modified general community quarantine areas.

“As of Wednesday,” ang Pilipinas ay nakapagtala ng 143,749 confirmed COVID-19 cases, kung saan 72,348 ang aktibo. (CHRISTIAN DALE)

256

Related posts

Leave a Comment