Inihayag kahapon ni Bulacan Governor Daniel Fernando na nakatakdang magsagawa ng pagsisiyasat ang foreign engineers sa Bustos Dam kaugnay ng isasagawang rehabilitasyon nito dahil sa pagkasira ng isa sa anim na rubber gates na siyang pinapapalitan lahat ng gobernador.
Ayon sa gobernador, nito lamang nakaraang linggo ay lumabas na ang resulta galing Australia ng isinagawang pagsusuri sa ginamit na materyales ng rubber gate, kung saan lumabas na bumagsak ito sa elongation test.
Dahil dito, kinatigan ni National Irrigation Administration (NIA) Administrator Ricardo Visaya ang hiling at apela ni Fernando na mapalitan ang lahat ng anim na rubber gates ng Bustos Dam dahilan kung kaya’t tatlong Chinese engineers ang personal na bibisita at susuriin sa susunod na mga araw ang naturang rubber gates.
Gusto ng gobernador na matiyak ang kaligtasan ng mamamayang Bulakenyo kung kaya’t minamadali nito ang rehabilitasyon at replacement ng nabanggit na rubber gates at patuloy umanong tinututukan ng provincial government ang nasabing rehabilitasyon.
“Ginagawang lahat ng lokal na pamahalaan ng nasabing lalawigan ang mas makabubuting paraan upang mapanatiling maayos at ligtas sa taumbayan ang Bustos Dam,” ayon kay Fernando.
Magugunita noong Mayo 2020 ay nag-collapse o nasira ang Rubber Gate Bay 5 na dalawang taon pa lamang nang ito ay sumailalim sa rehabilitasyon, na dapat ay 20 taon pa bago ito bumigay.
Dahil dito, agad ipinatawag ni Fernando ang mga taga-NIA at ang kontratista na si Isidro Pajarillaga ng ITP Construction Inc.-Guangxi Hydro Electric Construction Bureau Co. LTD. (GHCB) Consortium at ipinasuri ang nasirang China-made rubber gate.
Bagama’t mayroon nang resulta at bumagsak nga sa itinakdang panuntunan ng kalidad ng materyales, ay personal pa rin itong susuriin ng Chinese engineers sa kabila ng napagkasunduang papalitan nang lahat ang mga ito.
Ang pagkasira umano ng nasabing rubber gate ay sanhi ng mababang kalidad ng materyales na ginamit ng kontratista kaya nasira agad sa loob ng dalawang taon, na base sa kontrata ay dapat tumagal ng mahigit 20 taon.
“We will never take for granted the inferior quality materials used in the rehabilitation of the dam. Immediate replacement is needed here,” ayon sa gobernador.
Ang nasabing Bustos Dam rehabilitation works ay nai-bid noong 3rd quarter ng taong 2016 at nagkakahalaga ng P1 bilyon kabilang ang pag-kongkreto ng main canals. (ELOISA SILVERIO)
204 