CAVITE – Nauwi sa trahedya ang masayang pamamasyal ng mag-asawa sa Araw ng mga Puso nang mahulog ang isang 23-anyos na ginang mula sa minamanehong motorsiklo ng kanyang mister at magulungan ng tanker sa bayan ng Amadeo sa lalawigang ito.
Dead on the spot ang biktimang kinilalang si Judy Ann Piamonte ng Brgy. Manggahan, Gen. Trias City, habang hawak na ng pulisya ang driver ng isang gas tanker na si Rolando Obsioma, 49, ng Brgy. Bagtas, Tanza, Cavite.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Ivan Cris Baysa ng Gen. Trias City Police, dakong alas-6:00 ng umaga noong Linggo nang mangyari ang insidente habang angkas ang biktima sa motorsiklong minamaneho ng kanyang asawang si Mario Nilo Piamonte, 26, sa Brgy. Loma, Amadeo, sa south direction patungo sa Tagaytay City upang ipagdiwang ang Araw ng mga Puso.
Pagsapit sa nasabing lugar, tinangka ni Mario Nilo na mag-overtake sa tanker ngunit tumama ang gulong nito sa isang bato sa kalsada naging dahilan upang mawalan ng balanse kaya nahulog ang biktima hanggang sa magulungan ng tangker na nagresulta sa kamatayan nito. (SIGFRED ADSUARA)
182 