BAHAY NG KOREAN NATIONALS NILOOBAN

CAVITE – Nagkasa ng manhunt operation ang Cavite Police hinggil sa pagkakakilanlan ng mga suspek na puwersahang pumasok sa bahay ng mga Korean national sa isang subdibisyon sa Gen. Trias City sa lalawigang ito, nitong Linggo ng madaling araw.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan at bilang ng mga mga suspek na pumasok sa bahay ng mga biktimang sina  Kidae Lee, 61; Byeongjun An, 55; Seonghwan Lee, 54; Hyoungwoo Kim, 43, at Seonghoon Kim, 51, pawang mga residente ng Eagle Ridge Subdivision, Brgy. Javalera, Gen. Trias City, Cavite.

Ayon sa ulat, dakong alas-3:30 kahapon ng madaling araw nang makatanggap ng tawag ang Gen. Trias CPS hinggil sa robbery incident sa bahay ng mga Korea national sa nasabing subdivision.

Sa inisyal na imbestigasyon, isa sa nakatira sa bahay ang tinutukan ng suspek ng isang airsoft gun at puwersahang pumasok sa bahay.

Isa sa mga biktima ang umano’y pumalag at nanlaban kaya nasugatan dahil sa nabasag na salamin.

Matapos nakuha ng mga suspek ang pakay nila ay mabilis na tumakas ang mga ito dala ang bag ng mga biktima na naglalaman ng ‘di pa nabatid na halaga at mahahalagang bagay.

Sa isinagawang follow-up operation ng mga operatiba, narekober ang isa sa bag ng mga biktima at natagpuan ang kalibre 9mm airsoft na ginamit ng mga suspek ngunit naiwan sa gilid ng bahay.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at nirerebyu ang CCTV footages upang matukoy ang mga suspek. (SIGFRED ADSUARA)

149

Related posts

Leave a Comment