DRUG TEST BAGO RAKET SA MGA ARTISTA

ITINUTULAK ng chairman ng House committee on dangerous drugs na isailalim sa mandatory drug test ang mga aktor, aktres at iba pang celebrities bago sila bigyan raket.

Ginawa ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang mungkahi matapos mahuli ang aktor na si Dominic Roco at 4 kasama nito sa buy-bust operation ng Quezon City Police District (QCPD) noong Sabado ng madaling araw.

Si Roco na anak ng multi-awarded actor na si Bembol Roco ay nakumpiskahan umano ng P112,000 halaga ng shabu, P14,000 halaga ng marijuana, weighing scale, at marked money.

Kasamang inaresto ng mga pulis sina Reynaldo Sanchez, 45; Eugene Marvin Tolentino, 27; Renz Anthony Cruz, 33 at Dexie Diamante, 21.

“Actors, actresses and other movie celebrities should all be drug-free because they are public figures that are being idolized by the public, particularly the Filipino youth. They would be setting bad examples if they would be involved in the use of drugs, or worse selling drugs,” ani Barbers.

Dahil dito, kailangan aniyang obligahin ng mga production outfit, directors, talent agents na magpa-drug test ang kanilang mga talent bago isabak sa trabaho upang masiguro na malinis ang mga ito sa ilegal na droga.

Sinabi ni Barbers na noong kasagsagan ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay ilang celebrities ang naaresto sa droga kabilang sina Mark Anthony Fernandez, starlet Krista Miller, Sabrina M at radio disk jockey na si Karen Bordador at boyfriend nito na si Emilio Lim.

Nasangkot din aniya sa illegal drugs ang dating child star na si CJ Ramos, Fliptop rapper na si Zaito na nabigyan ng break sa “Ang Probinsyano” TV series ni Coco Martin at Julio Diaz na naging bahagi rin ng nasabing programa. (BERNARD TAGUINOD)

188

Related posts

Leave a Comment