Bakit PhilHealth lang? SSS, PAG-IBIG PREMIUM HIKE KANSELAHIN DIN

(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

BAGAMAN ikinatuwa sa mababang kapulungan ng Kongreso ang pagsuspinde ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa dagdag na kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay tila nabitin ang mga ito dahil mas mainam na isama na rin ang iba pang ahensya.

Hindi kuntento si House assistant deputy minority leader France Castro sa suspensyon ng bagong premium contribution rates sa PhilHealth dahil tuloy pa rin umano ang pagtataas ng kontribusyon ng Social Security System (SSS) at Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund.

“This is good but I think we can cite the same reason to also defer the premium hikes of the Social Security System (SSS) and the Home Development Mutual Fund, or Pag-IBIG Fund,” ani Castro.

Ipinaliwanag nito na patuloy na lumulobo ang inflation rate o mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo na lalong nagpapahirap sa mamamayan.

Nagpatupad din aniya agad ng oil price increase ang mga kumpanya ng langis sa ikatlong araw ng 2023 kaya nararapat lamang na suspindehin din ang dagdag na kontribusyon sa SSS at Pag-IBIG.

Kung hindi susupindehin ang premium rate, magiging 14% mula sa dating 13% ang kontribusyon ng SSS members habang ang dating P100 na kinokolekta ng Pag-IBIG sa kanilang mga miyembro ay magiging P150 na.

“Sa pagtataas ng premium rates ay parang inaagawan pa ng SSS at Pag-IBIG ang mga pamilya ng manggagawa ng kanilang pagkain. Sana ay makinig ang Malacañang at ang pamunuan ng SSS at Pag-IBIG para ‘di na sila makadagdag pa sa hirap ng mga mamamayan sa ngayon,” dagdag pa ng mambabatas.

Sa pagpasok ng bagong taon ay ipinag-utos ni Pangulong Marcos, Jr. ang suspensyon ng bagong premium contribution rates ng PhilHealth at ang income ceiling.

Ang katuwiran ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ito’y dahil patuloy na nakikipagpambuno ang mga Pilipino sa economic challenges sanhi ng COVID-19 pandemic.

Base sa dokumentong ipinalabas sa mga mamamahayag, sinabi ni Bersamin na gusto ni Pangulong Marcos na suspendihin ang nakatakdang pagtataas sa premium rate ng PhilHealth mula 4% ay magiging 4.5% na.

Sa joint statement, kapwa welcome naman sa Department of Health (DOH) at PhilHealth ang desisyon ni Pangulong Marcos.

“The DOH and PhilHealth recognize the suspension is intended to help our kababayans cope with the increasing prices of commodities caused by inflation,” ayon sa dalawang ahensya.

281

Related posts

Leave a Comment