BAKIT SUSPENDIDO PA RIN ANG AMING FB ACCOUNT?

RAPIDO ni PATRICK TULFO

HANGGANG ngayon ay nananatiling suspendido ang aming opisyal na FB page na Rapido Ni Patrick Tulfo, ito po ay mayroong mahigit na 125K followers sa kasalukuyan.

Hindi naman kalakihan ang bilang ng aming mga tagasubaybay kaya nga nagtataka kami kung bakit nasuspinde ang aming page.

Ayon sa aming IT specialist, sinuspinde ang page namin dahil sa “impersonation” o pagpapanggap at idinagdag pa nito, maaaring may nag-report sa amin sa Meta, ang kumpanyang may hawak sa sikat na social media platform.

Ipinagtataka ng IT specialist ang dahilan ng aming suspension dahil matagal nang verified ang aming page at mayroon kaming binabayaran para rito.

Kaya nga sinabi nito na maaaring may mga nasagasaan ako sa aking programa kaya ini-report ako sa Meta.

Sino naman kaya ang mga gumawa nito?

Mayroon kaming mangilan-ngilan na suspek na may motibo para rito. Pwedeng ‘yung isang party-list na hindi nanalo nitong nakaraang halalan dahil hindi na sila ibinoto ng sektor na kinakatawan nila. Hindi rin malayo na baka ‘yung isang ahensiya ng gobyerno na akin pong pinupuna dahil sa bagal ng kanilang aksyon sa isyu ng balikbayan boxes.

Kung sino man ang gumawa nito ay maaaring may halong inggit, dahil bago nasuspinde ang aming page ay dumarami na ang followers nito. Lalo na sektor ng OFWs na humihingi ng tulong ukol sa kanilang nawawalang balikbayan boxes.

Kinikilala na rin Bureau of Customs ang papel ng Rapido sa usapin ng isyu sa balikbayan boxes.

Maaaring may ilan diyan ang nagsisintir na kami ang pinasasalamatan ng mga OFW na nakuha na ang kanilang mga kahon sa tulong ng LOGO cargo na siyang naghatid ng mga ito riyan sa Mindanao.

Bakit hindi habulin ng Meta ang mga pekeng account at ‘yung trolls na ginagamit sa masama ang kanilang platform at hindi iyong mga page na nakatutulong.

67

Related posts

Leave a Comment