SINIMULAN na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pakikipagtulungan sa Mowelfund ang pagbabakuna sa mga manggagawa ng entertainment industry.
Ang mga ito ay kabilang sa A4 priority list.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni MMDA chairman Benhur Abalos na nasa 120 pa lang ang nababakunahan na manggagawa mula sa Mowelfund.
Ang mga ito, ani Abalos ay iyong mga taong ‘behind the camera”, taga-hawak ng ilaw at scriptwriters.
Maliban sa mga manggagawa ay nabakunahan din ang ilang personalidad gaya ng aktor na si Joross Gamboa, ang batikang direktor na si Joey Reyes, ang batikang aktres na si Boots Anson Roa, Rez Cortez at iba pa na kabilang naman sa senior citizens.
“Kawawa talaga ang industriya, halos isa’t kalahating taon sarado ang sinehan. Pati mga takilyera ng mga sinehan tinutulungan na rin natin na makabangon sila.
Iyong mga workers po natin,” ani Abalos.
Bakunang Sinovac aniya ang itinurok sa mga nasabing personalidad at manggagawa.
Ang alokasyon naman aniya ay mula sa MMDA.
Ikinatuwa naman ni Abalos na halos dalawang linggo na ay wala pa rin siyang kaso ng COVID-19 sa MMDA.
Siguro aniya ay nasa 60% na ang kanilang nabakunahan. Hindi aniya kagaya noong araw na kailangang isara ang isang departamento dahil sa takot sa COVID-19. (CHRISTIAN DALE)
116
