TATLONG araw ang ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pinuno ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Bureau of Customs (BOC) at National Bureau of Investigation (NBI) upang balasahin ang mga opisyal sa mga ahensiyang ito.
Ang pagbalasa sa mga opisyal ay aksyon sa paglilinis sa PhilHealth, BuCor at NBI mula sa korapsyon.
Ipinababalasa ni Duterte ang BOC kay Commissioner Rey Leonardo Guerrero dahil hindi pa rin natitigil ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.
Kumbinsido ang pangulo na mayroong ‘kausap,’ o ‘kontak’ ang drug syndicates sa BOC, kaya pinababalasa ni Duterte kay Guerrero ang mga opisyal nito.
Isinama ni Duterte ang NBI sa balasahan, ngunit hindi tinukoy ang eksaktong dahilan sa paggalaw ng mga opisyal.
Sa panig ng PhilHealth, iniutos ni Duterte sa bagong upong pangulo nito na si Atty. Dante Gierran na “tanggalin” sa puwesto ang mga bise presidente ng bawat rehiyon ng nasabing ahensiya.
“Malinaw po ang sabi ni Presidente, basta sa mga regional vice presidents, wala po siyang pinapasibak. Pinapa-reshuffle,” ayon kay Sec. Harry Roque.
Aminado si Gierran na malaking hamon sa kanya na sugpuin ang malaganap na korapsyon sa PhilHealth pero tiniyak na ipatutupad niya ang reorganization sa state insurer at susuriing mabuti financial status nito.
Matatandaang nangako si Pangulong Duterte na pananagutin ang mga tauhan ng gobyerno na sangkot sa mga anomalya sa PhilHealth at maling paggamit ng mga pondong para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Sa isang talumpating umere nitong Martes, sinabi ni Duterte na ipakukulong niya ang mga mapatutunayang sangkot sa korapsyon.
“Pero itong nagnakaw ng pera ng bayan lalo na ‘yung sa COVID-19, they will go to prison. I am sure. ‘Pag wala akong makita na magpakulong, magdampot ako ng 3 sa kanila, kulungin ko. Pilitin ko kulungin para may makulong lang talaga,” ani Duterte.
Nangako rin ang pangulo na pananagutin niya ang mga sangkot sa anomalya sa PhilHealth sa nalalabi niyang termino.
Nasangkot sa kontrobersiya kamakailan ang PhilHealth matapos lumutang ang mga isyung tulad ng pagbili ng overpriced IT equipment at kuwestiyonableng alokasyon sa interim reimbursement mechanism.
Dahil nagagamit umano ang pondo ng gobyerno sa korapsyon, iniutos ni Duterte sa PhilHealth maging sa ibang ahensiya ng gobyerno na i-publish sa mga pahayagan ang mga pinaglalaanan ng pondo at mga sumasali sa bidding.
“I would require them to publish in the newspaper, sa tatlong newspapers of general circulation,” ani Duterte.
“Ipa-publish ko ito ang mga bibilhin at pagkatapos ipa-publish ko pagkatapos sa notice sino ‘yong bidders, ‘yong pangalan nila,” dagdag niya.
Tiniyak ni Duterte na magagamit sa tama ang pondo ng gobyerno na inilalaan kontra COVID-19.
Buo umano ang tiwala ng pangulo sa mga dating opisyal ng militar sa Gabinete na magagamit ang pondo para sa iba’t ibang proyekto ng pamahalaan. (NELSON S. BADILLA/CHRISTIAN DALE)
94