MATAPOS ang halos dalawang taong restriksyon, hiniling ng Bureau of Jail Management (BJMP) sa Inter-Agency Task Force (IATF) na muling pahintulutan ang pagdalaw ng mga kaanak sa mga bilanggo sa mga piitang nasa low-risk areas.
Sa isang kalatas, sinabi ni BJMP Spokesperson Chief Inspector Xavier Solda na handang-handa na ang kanilang hanay sa mahigpit na pagpapatupad ng mga patakarang naglalayong tiyakin ang kalusugan ng mga persons deprived of liberty (PDL).
Kabilang sa mga panuntunang tinukoy ni Solda ay ang pagsala sa mga dalaw na kailangang magprisinta ng mga patunay na sila’y bakunado na laban sa COVID-19, limitadong oras ng isang dalaw kada PDL at pagbabawal muna sa mga edad 18 pababa.
Bagamat nakapaglunsad na ng pilot testing ang mga piling piitan sa Central Visayas, MIMAROPA at Cordillera, hindi naman matiyak ng opisyal ang eksaktong petsa para sa pagbabalik ng physical visitation rights, na sinuspinde ng pamahalaan bilang pag-iingat sa nakahahawang karamdamang dala ng pandemya.
Sa tala ng BJMP, isa na lang ang aktibong kaso ng COVID-19 sa hanay ng mga PDL.
“Isang aktibong kaso na lamang po ng COVID-19 ang natitira sa aming mga piitan at tinututukan ngayon ng pamunuan ng BJMP. Ikawalong araw na rin po na wala tayong naitalang kaso ng COVID-19 sa ating mga PDL,” ani Solda.
Base sa datos ng BJMP, mayroong kabuuang 125,589 PDLs sa kanilang kustodiya. Sa nasabing bilang, 119,070 ang naturukan na ng bakuna kontra COVID-19.
Paniwala ni Solda, ganap nang mababakunahan ang nalalabing bilang ng mga bilanggo bato matapos ang taon. (LILY REYES)
260
