(ERNIE REYES)
KUNG hindi magbabago ang takbo ng pagbabakuna sa Pilipinas, malamang tumagal ng 44 taon bago mabakunahan ang 50 hanggang 70 milyong mamamayan.
Hindi rin makakamit ang pangakong magiging normal ang ating buhay sa 2023 kung pagbabatayan ang bilang na 3,887 nababakunahan kada araw, ayon kay Senador Joel Villanueva.
Sa pahayag, sinabi ni Villanueva na dapat bilisan ng pamahalaan ang pagbabakuna upang makamit nito ang tudlang bilang ng benepisaryo at paluwagin ang paghihigpit sa pagkilos na lubhang nakaaapekto sa manggagawa at aktibidad sa ekonomiya.
Ayon Villanueva, base sa datos ng Department of Health, umaabot lamang sa 3,887 ang nababakunahan kada araw kaya hindi matutupad ang pangako ng pangulo na magiging normal ang lahat sa 2023.
“There’s a need to accelerate vaccine rollout because our economic recovery and the return of jobs lost to the pandemic depend on it,” ayon kay Villanueva, chairman ng Senate labor committee.
“If this is the pace of vaccination, it will take about 44 years to hit our target of 50 to 70 million of our people,” dagdag ng senador.
Ipinaliwanag ni Villanueva na nakatali ang takbo ng pagbabakuna sa suplay, tauhan, listahan, impormasyon at pagtitiwala o SPLIT (Supply, Personnel, List, Information and Trust).
“Provisions of the recently-signed COVID-19 vaccination program act already cleared major blockades in the acquisition of vaccines, among them a prohibition against local government units paying in advance for vaccine doses,” ayon sa mambabatas.
Nanawagan din si Villanueva sa pamahalaan partikular sa IATF na tiyakin na may malinaw na human resource plan na ipatutupad bilang garantiya na may sapat na kuwalipikadong tauhan na magbabakuna kapag dumating na ang suplay.
Tinanong din ni Villanueva sa IATF kung nakapagtayo na sila ng database ng priority groups na nauna nitong itinanong noong Enero sa ginanap na pagdinig ng Senate committee of the Whole hinggil sa vaccination program.
Hinikayat din nito ang gobyerno na pabilisin ang information driver upang lumakas ang pagtitiwala sa bakuna matapos lumitaw sa huling survey na umabot sa 47% ng Pilipino ang ayaw magpabakuna dahil nag-aalala sa kanilang kaligtasan.
“Makipaghiwalay na po tayo kay covid. Ayaw na po natin ng isa pang anniversary, kaya ang panawagan natin ay pabilisin pa ang rollout ng bakuna sa ating mga medical frontliners, at mga essential workers, na susi sa muling pagbabalik ng trabaho at pagbangon ng ekonomiya,” ani Villanueva.
‘WEAKEST LINK’
Kaugnay nito, aminado ang Malakanyang na ang contact tracing efforts ng bansa ang itinuturing na “weakest link” sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Pumiyok si Presidential spokesperson Harry Roque na labis siyang nagtataka kung bakit mahigit isang taon na nang ilunsad ang StaySafe.PH app pero hindi ito malawakang nagagamit.
“We are managing it very well, but the [contact] tracing, the StaySafe app, nahihilo na ako, hindi ko maintindihan bakit hindi natin ginagamit ito,” ayon kay Sec. Roque.
“Napakaimportane ng tracing para ma-isolate ‘yung close contacts at maiwasan ang pagkalat ng sakit,” dagdag na pahayag nito.
Ang StaySafe.PH app ay teknolohiya kung saan nire-require ang isang indibidwal na piktyuran ang QR code ‘for access and filling out contact tracing forms” sa pamamagitan ng kanilang mobile phones.
Ipinahayag ito ni Sec. Roque sa gitna ng pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases sa bansa partikular na sa Metro Manila kung saan nakapagtala ng 9,000 active COVID-19 cases at kinukonsidera bilang epicenter ng COVID-19 pandemic sa bansa.
“This is an area that needs to be tremendously improved. I will have to admit, dito tayo pinakamahina ,” ang pahayag ni Sec. Roque. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)
214
