PANIWALA ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng maranasan ng Metro Manila ang init factor sa darating na buwan ng Abril dahil sa matinding impact ng El Niño sa naturang mga buwan.

Bunsod nito, pinayuhan ng PAGASA ang publiko lalo na ang mga may high blood pressure, na huwag lalabas ng bahay kung walang mahalagang gagawin simula sa buwan ng Abril.

Sa ginanap na QC Journalist Forum, sinabi ni Director Ana Liza Solis ng Climatology and Agrometeorology Division ng PAGASA, hindi dapat maglalabas ng bahay ang publiko kung wala namang importanteng gagawin sa buwan ng Abril hanggang Mayo dahil sa maalinsangang panahon na aabutin ng 40 Degrees Celsius sa Cagayan Valley.

Sinabi pa nito, ang init factor naman sa Metro Manila na mula 37 degrees ay madaragdagan ng 5 degrees o mahigit sa 40 degrees ang init factor dahil sa matinding impact ng El Niño sa naturang mga buwan.

“Noong October 2023 nagsimula na maramdaman natin itong El Niño kaya nga kahit pagpasok ng January ay walang ulan at itong buwan ng February ay wala ding ulan dahil sa patindi nang patindi ang epekto ng El Niño. Sa ngayon, patuloy ang pag-level up ng init at pag tumindi pa ito o itong ridge of high pressure area ay umiral, ‘yan sobrang init yan, dyan mararamdaman ang 40 degrees ng init factor,” sabi ni Solis.

Kaugnay nito, nakikita nilang may mararanasang prolonged drought ang bansa kaya’t kailangang ang lahat ay maghanda at mag-ingat.

Idinagdag pa nito sa end of June ay posibleng mawala na ang El Niño pero inaasahang papalit ang La Niña o maraming ulan pagsapit ng Hulyo o Agosto.

Samantala, sinabi naman ni Eng’r. Christian Gonzales ng Field Operators Management Department ng MWSS, bagama’t may tagtuyot na nararanasan at araw-araw ay may 0.17 centimeters a day na pagbaba sa mga dam, tiniyak nito na may sapat na suplay ng tubig sa Metro Manila at karatig lalawigan.

Iniulat din nito na nag-comply na ang lahat ng government agencies, GOCCs at state universities na magbawas ng 10 percent ng konsumo sa tubig ngayong panahon ng El Niño.

Narerekober naman aniya ang 180 million liters ng tubig na system loss sa pamamagitan ng augmentation projects ng water concessionaires na Maynilad Water at Manila Water.

(PAOLO SANTOS)

55

Related posts

Leave a Comment