UMABOT sa P20.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at local police sa ikinasang anti-narcotics operation sa Nueva Ecija.
Ayon sa ulat na ibinahagi ni PDEA Director General Wilkins Villanueva, dalawang babaeng sinasabing kapwa bigtime drug dealers mula sa Cavite, ang nahulihan ng tatlong kilo ng shabu sa ikinasang buy-bust operation sa isang subdivision sa Barangay Sumacab Este, Cabanatuan City.
Nabatid mula kay Nueva Ecija Police Provincial Director, P/Col. Jess Mendez, limang beses na umurong ang mga suspek sa transaksyon bago sila kumagat sa pain ng mga awtoridad.
Kinilala ang mga suspek na sina Sittie Pindatun y Mimbis, 30, at Nor-an Bilal y Hajinor, 26, kapwa residente ng Barangay H-2, Dasmariñas, Cavite.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang dalawang pirasong selyadong green plastic tea bag at sampung pirasong knot tied transparent plastic bag na naglalaman ng mahigit tatlong kilo ng umano’y shabu na may DDB street value ng P20,400,000.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JESSE KABEL)
96