21K METRIKO TONELADANG SIBUYAS INANGKAT NG DA

UMANGKAT ang Department of Agriculture (DA) ng 21,000 metriko tonelada ng sibuyas upang matugunan ang mataas na demand ngayong holiday season.

Sinabi ng Bureau of Plant Industry (BPI) na umangkat ang Department of Agriculture (DA) ng 17,000 metriko toneladang pulang sibuyas at 4,000 metriko toneladang dilaw na sibuyas mula sa China, India at Netherlands.

Ang kabuuang dami ng sibuyas ay base sa pangangailangan ng bawat Pilipino.

Inaasahan namang darating ngayong buwan sa bansa ang mga imported na sibuyas, magsisilbi itong buffer stock para i- stabilize ang presyo habang naghihintay ng harvest peaks mula Marso hanggang Abril 2024.

Sa kasalukuyan, ang pulang sibuyas ay may presyong P140 hanggang P180 kada kilo.

Inaasahan naman ng BPI na bababa ang presyo ng sibuyas sa pagdating ng imported na sibuyas.

Matatandaang, sa layuning mapalakas ang produksyon ng sibuyas sa buong bansa, inilunsad ng DA ang Onion Expansion Program sa bayan ng Tupi, South Cotabato.

Ang launching program ay pinangunahan ni Assistant Secretary James Layug kasama ang mga opisyal ng DA 12 at iba pang attached agencies.

Layon nito na masolusyunan ang shortage sa supply ng sibuyas at maging stable ang presyo nito. Inihayag ni Leonel Limbawan, representative ng High Value Crop Development Program (HVCDP) ng central office na ang bayan ng Tupi ang mangunguna sa onion production sa Mindanao.

(CHRISTIAN DALE)

135

Related posts

Leave a Comment