Batas pinapoporma sa Kongreso ELEKSYON 2025 MANGANGANIB SA ‘DEEPFAKES’

HINIMOK ng isang cyber security analyst ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na magpasa ng batas laban sa “deepfakes” bago sumapit ang 2025 election dahil maaaring gamitin ito sa mga kandidato.

Sa joint hearing ng House committee on information and technology at public information ukol sa cyber attack sa mga digital domain ng pamahalaan, sinabi ni Art Sarmiento na hindi malayong magamit ang deepfakes sa 2025 election.

Ang Deepfake ay isang pamamaraan ng paglikha at pag-publish ng maling impormasyon sa anyo ng mga video, audio at mga larawan.

Naging kontrobersyal ito dahil nagagamit na umano ito sa child sexual abuse, bullying, fake news at iba pa sa ibang bansa kaya nais ni Sarmiento na makagawa ng batas ang Kongreso bago sumapit ang midterm election upang malabanan ito.

Samantala, dahil may kinalaman sa national security, idinaan sa executive session ang pagdinig ng dalawang komite sa ulat na mula sa China ang IP address na nasa likod ng cyber attack sa mga website ng gobyerno.

Bago ang executive session, sinabi ni Navotas Rep. Toby Tiangco, chairman ng committee on information technology na lubhang nakababahala ang pag-atake sa mga website ng mga pangunahing ahensya ng gobyerno.

“The recent cybersecurity breaches have further highlighted the pressing need for enhanced security measures and vigilant monitoring to ensure the integrity of our critical information,” ayon sa kongresista.

Maging ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ay nababahala sa posibleng pagtaas ng “deepfakes at iba pang artificial intelligence-generated fake videos” lalo pa’t nalalapit na ang 2025 midterm elections.

Sa gitna ng nasabing banta, nanawagan ang mga stakeholders ng isang batas na tutugon sa concerns o alalahanin na ito sa nasabing teknolohiya.

“Mas advanced lang ngayon ang cognitive warfare because they can mimic actual personalities. This is the use of fake news or disinformation in order to shape people’s opinion,” sabi ni DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy sa pagdinig ng Kongreso.

Ayon sa DICT, ang mga biktima ng deepfakes ay maaaring magtungo sa departamento at Cybercrime Investigation and Coordinating Council upang ipaalis ang online material.

Hinikayat naman ng mga eksperto ang publiko na suriing mabuti ang mga video at mga ilarawan na nakikita nila sa online, lalo na sa mga kahina-hinalang accounts.

Binigyang diin ni Samaniego ang pangangailangan na turuan ang publiko ukol sa panganib ng cyber attacks at kung paano manatiling ligtas sa online. Pinayuhan niya ang pamahalaan na mamuhunan sa “research” at kumuha ng bagong “cybersecurity technologies and solutions.”

OSAEC Lumala sa AI

Sa kabilang dako, pinakikilos ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga ahensya ng gobyerno upang masawata ang banta ng artificial intelligence (AI) na nagpapalala ng mga kaso ng online sexual abuse and exploitation of children o OSAEC sa bansa.

Ito ay makaraang magbabala si Council for the Welfare of Children (CWC) Undersecretary Angelo Tapales na nagagamit na ang AI sa malalaswang larawan na ikinakalat sa iba’t ibang platform.

Sa kasalukuyan ay wala pa namang natatanggap na report ang Philippine National Police (PNP) Women and Children Protection Center na ganitong insidente na nagkalat ngayon sa iba’t ibang bansa.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na habang patuloy na nagiging moderno ang teknolohiya, nakaaalarmang patuloy rin nakahahanap ng mga makabagong paraan ang mga nais mang-abuso ng mga kabataan.

Mahalaga anyang tugunan ang mga bantang ito at tiyaking sinomang gumagamit sa internet o teknolohiya upang abusuhin ang ating kabataan ay mananagot sa batas.

Kasabay nito, nanawagan din ang senador sa mga magulang na bantayan nang maigi ang kanilang mga anak sa paggamit ng gadgets, lalo na’t maaaring maging daan ito upang makuha ang kanilang mga larawan at magamit sa iba’t ibang paraan ng karahasan at pang-aabuso.

(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE/DANG SAMSON-GARCIA)

29

Related posts

Leave a Comment