NAHAHARAP sa kasong frustrated homicide ang isang binata matapos madiskubreng sinaksak nito ang kasama sa inokupahang kwarto ng hotel sa Rizal Avenue, Sta.Cruz, Manila, Sabado ng umaga.
Bandang alas-9 ng umaga na nitong Linggo nang maiulat ang insidente matapos madakip ang suspek na si Carlo Oblimaga, 26-anyos, ng Barangay 649, Baseco Compound, Port Area, sa nasabing lungsod.
Ayon sa ulat, tinangkang pigilan ng security guard ng hotel si Oblimaga na tangkang tumakas kaya nagkaroon ng komosyon.
Agad namang nakaresponde ang mga tauhan ng Gandara Police Community Precinct, sakop ng Binondo Police Station 11 sa pangunguna ni Police Corporal Arnie Umaga at nadakip ang suspek.
Ang mabilis na pagtugon ng mga pulis ay resulta ng “Oplan Galugad” at Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement.
Samantala, hindi pa inihayag ng pulisya ang pagkakakilanlan ng umano’y sinaksak ni Oblimaga.
(RENE CRISOSTOMO)
133