BULACAN NAGTALA NA RIN NG PERTUSSIS CASES

LUNGSOD NG MALOLOS – Kumilos na ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gobernador Daniel R. Fernando makaraang makumpirma ang dalawang kaso ng Pertussis na kilala rin bilang ‘whooping cough’ sa Bulacan.

Naitala ang kaso sa Lungsod ng San Jose Del Monte at isa sa Lungsod Meycauayan.

Ang Pertussis ay isang nakahahawang respiratory tract infection na madaling kumalat sa pamamagitan ng bacteria mula sa paghinga, pag-ubo, at pagbahing. Kadalasan, ang sintomas ay nagsisimula sa sipon, ubo, at lagnat ngunit ang ubo ay maaaring lumala sa loob ng 1-2 linggo at partikular na mapanganib para sa mga sanggol at bata lalo na sa mga bagong silang na hindi pa rin kwalipikado para sa mga bakuna, at maaaring makaranas ng apnea, hirap sa paghinga, at pagsusuka kapag nahawaan.

Nang makumpirma ang mga kaso, agad na inatasan ni Fernando ang Provincial Health Office – Public Health na aktibong maghanap ng mga kaso at tukuyin ang mga batang hindi pa kumpleto ang bakuna o iyong mga hindi pa nababakunahan; magsagawa ng active case finding, specimen collection, at patuloy na pagbabakuna sa hangganan ng Lungsod ng Meycauayan at Lungsod ng San Jose Del Monte at mga kalapit na lugar tulad ng Quezon City.

Sa ngayon, prayoridad ang pagbabakuna laban sa Pertussis lalo na sa mga lugar na may kumpirmadong kaso, na may suporta mula sa Department of Health at City/Municipal Health Offices.

“Mayroon na pong bakuna laban sa Pertussis at ito po ay binibigay nang tatlong (3) dosis para sa mga batang nasa 1 ½ month, 2 ½ month, 3 ½ month old. Ang bakunang ito ay pandaigdigan nang ginagamit, subok na ligtas at epektibo. Ito po ay libre kung kaya’t agad na pong pumunta sa pinakamalapit na health center para pabakunahan ang inyong mga anak,” anang gobernador.

(ELOISA SILVERIO)

62

Related posts

Leave a Comment