CHINESE-FLAGGED RESEARCH VESSEL NAMATAAN SA N. SAMAR

NAMATAAN ang isang Chinese-flagged research vessel sa hilagang silangan ng Viga,Catanduanes habang pabalik malapit sa Mapanas Northern Samar nitong Linggo.

Ayon kay PCG spokesperson for West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela, dahan-dahang binabaybay ng barko dakong alas-6 noong Linggo ng hapon, ang tinatayang 78 nautical miles ng north east ng Mapanas, Northern Samar.

Noong Linggo, sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang barko na Shen Kuo ay unang namataan noong Huwebes sa layong 60.9 nautical miles east ng Rapu-Rapu Island sa Albay.

Base sa ulat mula sa maritime patrol ng Tactical Operations Wing Southern Luzon noong Sabado, namalagi sa lugar ang barko at walang tauhan sa main deck.

Ayon sa PCG, ang barko ay umalis mula Shenzhen Port noong Abril 13 at dumaan sa Itbayat at Basco, Batanes noong Abril 22.

Lumipat ang barko patimog sa loob ng 11 nautical miles sa baybayin ng Mapanas, Northern Samar noong Abril 25, bago muling bumiyahe pahilaga hanggang sa makarating sa karagatan ng Catanduanes kung saan ito sinusubaybayan ng AFP, ayon pa kay Tarriela.

Ang pagala-gala na Chinese-flagged research vessel ay kasunod ng mas maraming Chinese vessel na sumusunod sa mga naval vessel ng Pilipinas, US, at France sa Balikatan joint military exercise sa West Philippine Sea (WPS) nitong linggo.

Bago ang Balikatan, ang surveillance vessel ng Chinese People’s Liberation Army Navy na may bow number na 793, ay nakitang bumubuntot sa US at Philippine vessels mula tatlong milya.

Sa gitna ng pagsisimula ng Balikatan exercises, nasubaybayan din ng Philippine Navy ang pagdagsa ng 124 Chinese vessels sa WPS.

(JOCELYN DOMENDEN)

58

Related posts

Leave a Comment