DA IPAPASA NI BBM SA PANGULO NG PFP?

MAGKAKAROON na ng permanenteng kalihim ang Department of Agriculture (DA) sa katauhan ng pangulo ng political party Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na si South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo.

Ito ang umugong na impormasyon sa nasabing lalawigan na nakarating na rin sa ilang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ang PFP ay partido ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon sa mga impormante na hindi na nagpabanggit ng pangalan kapalit ng impormasyong ito, kinausap umano ni Marcos si Tamayo para pamunuan ang DA na ngayon ay sangkaterba ang problema tulad ng supply ng bigas.

“Wala pang balita kung tinanggap na pero ikinakalat na sa SoCot na siya ang papalit kay BBM sa DA,” ayon sa impormante.

Ang pagpili umano ni Marcos kay Tamayo ay bahagi ng pagpapalakas sa kanilang partido kaya umugong din na posibleng palitan ito bilang pangulo ng PFP.

Mula noong 2022 election ay hindi lumaki ang PFP sa pamumuno ni Tamayo kahit nanalo ang kanilang kandidato na si Marcos taliwas sa kaso ng PDP-Laban ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na agad nilipatan ng mga politiko pagkatapos ng 2016 election.

Magugunita na tanging si Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez ang nanalong congressman sa ilalim ng PDP-Laban noong 2016 election subalit siya ang naging Speaker ng Kamara dahil naglipatan ang mga kongresista mula sa iba’t ibang partido sa kanilang lapian.

“Hindi lumaki ang PFP under Gov. Tamayo kaya nagkusa na yung ibang politicians na palakasin ang kanilang Partido at malamang ang presidency ng party ay mawawala na kay Governor,” komento ng isang mambabatas sa Kamara.

Isa sa mga lumipat na sa PFP ang anak mismo ni Marcos na si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos mula sa Nacionalista Party (NP) dahil napapahiya umano ang partido ng kanyang ama na mistulang iniiwasan ng mga politiko.

(BERNARD TAGUINOD)

305

Related posts

Leave a Comment