Sa kabila ng tuloy-tuloy na oil price hike AYUDA SA TRANSPORT SECTOR INAAMAG LANG

(BERNARD TAGUINOD)

SA gitna ng lingguhang pagtaas ng presyo ng langis sa bansa, hindi ipinamamahagi ng gobyerno sa pamamagitan ng Department of Transportation (DOTr) ang bilyong fuel subsidy sa transport sector.

Ito ang natuklasan sa pagdinig ng House committee on appropriations sa budget ng DOTr kahapon na ikinadismaya ng mga mambabatas.

Sa pagtatanong ni House deputy minority leader Bernadette Herrera, sinabi nito na umaabot sa P5.5 billion ang fuel subsidy sa transport sector na hindi pa ipinamimigay ng DOTr.

Kabilang dito ang P3 billion na inilaan noong 2022 at P2.5 billion ngayong 2023.

Ayon kay DOTr Undersecretary Anneli Lontoc, inaantay pa nila na ilabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo.

Sinabi naman ni DBM Acting director Maria Cecilia Socorro Abogado, noong Agosto 9 lang nag-request ang DOTr para marelease ang pondo subalit ibinalik sa ahensya dahil kulang ang mga dokumento.

Ngayong araw ay muling magpapatupad ng oil price increase ang mga kumpanya ng langis kung saan inaasahan na higit piso ang madadagdag sa diesel na pangunahing ginagamit ng transport sector.

Dismayado rin si Herrera dahil maging ang pondo para sa Bike Share Program na nagkakahalaga ng P705 million ay hindi ginalaw ng DOTr noong 2022 subalit hihingi ulit ang mga ito ng panibagong P500 million para sa susunod na taon.

86

Related posts

Leave a Comment