DOJ IBINASURA MGA KONDISYON NI QUIBOLOY

IBINASURA ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang mga inilatag na kondisyon ni Kingdom of Jesus Christ Leader Pastor Apollo Quiboloy sa kanyang pagsuko.

Sinabi ni Secretary Remulla, seryoso at kasuklam-suklam na usapin na may kinalaman sa pang-aabusong sekswal sa isang menor de edad at human trafficking ang kinasasangkutan ng religious leader.

Sa halip, hinamon ni Remulla si Pastor Quiboloy na harapin na lamang ang kanyang mga kaso lalo na at kung ang paniniwala niya ay inosente siya.

Iginiit ng kalihim, walang nakaaangat sa batas kahit pa ang mga may mahalagang papel sa mga grupong panrelihiyon.

Wala aniyang exempted sa batas kaya paalala niya na mas mabuting sumuko na lamang si Quiboloy alinsunod sa itinatakda ng batas at hindi sa paraang gusto niya.

Nanindigan si Secretary Remulla na malakas ang mga kasong kinakaharap ng pastor.

‘Sa Senado
Ka Kumanta’

Samantala, muling hinamon ni Senate committee on women chairperson Risa Hontiveros si Quiboloy na tigilan na ang pagtatago sa kanyang lungga at harapin ang kanyang mga kaso.

Ito ay kasunod ng paglabas ni Quiboloy sa panayam sa mga vlogger.

Sinabi ni Hontiveros, kung nagpa-interview si Quiboloy sa vloggers ay kaya nitong magpa-interview sa Senado at sagutin ang mga alegasyon sa kanya.

Iginiit ng senadora na hindi maitatago ng audio ang takot ng pastor at [umaalingasaw] ang baho at katotohanan ng lider ng naturang religious groups.

Tinuligsa pa ni Hontiveros ang ginawang paninira ng pastor sa Senado at sa mga lumutang na testigo.

Hamon pa ni Hontiveros na kung talagang matapang si Quiboloy ay ulitin niya ang lahat ng paninira sa loob mismo ng Senado.

Tiniyak pa ng mambabatas na tuloy ang pagdinig ng Senado sa mga pang-aabuso ng pastor sa kanyang mga dating miyembro kahit hindi ito magpakita.

(JULIET PACOT at DANG SAMSON-GARCIA)

55

Related posts

Leave a Comment