EX-KAPITAN AT CONTRACTOR NAKALUSOT SA AMBUSH

LEGAZPI CITY – Nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang isang dating barangay chairman at ngayon ay isang contractor, nang sila ay tambangan ng apat na hindi kilalang mga suspek habang sakay ng SUV sa Purok 3, Brgy. Mariawa, sa lungsod.

Ayon sa report ng Legazpi City Police, hindi tumagos ang mga bala sa sasakyang Chevrolet Suburban ni Alwin Nimo, 38-anyos, kaya hindi nasaktan ang contractor at ang kanyang dalawang kasamang bodyguard.

Ayon sa imbestigasyon, dakong alas-9:00 ng gabi, galing ang mga ito sa paghahapunan sa isang restaurant sa Legazpi City proper at pauwi na nang tambangan ng armadong kalalakihan.

Nasa 17 hanggang 20 bala ang tumama sa sasakyan subalit hindi tumagos dahil bullet proof ito.

Si Nimo na dating kapitan ng Barangay Anislag ay isang whistleblower at kamakailan ay nagsampa sa Office of the Ombudsman ng kasong katiwalian laban kay Albay Governor Grex Lagman.

Sinasabing ilegal na operasyon ng jueteng ang ugat ng reklamo laban sa gobernador.

Samantala, agad namang itinanggi ni Lagman na may kinalaman siya sa ambush matapos na sabihin ni Nimo na posibleng may kinalaman sa kasong isinampa niya laban sa gobernador ang pananambang.

(NILOU DEL CARMEN)

30

Related posts

Leave a Comment