GADON ‘PAKAWALA’ NI BBM SA CHA-CHA?

(BERNARD TAGUINOD)

HINDI maiaalis ng oposisyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang posibilidad na alam ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pag-uudyok ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon na amyendahan ang political provisions sa Saligang Batas.

“Bilang bahagi din ng Marcos administration ang payo ni Larry Gadon ay lalong maglalantad na target din talaga ni Pres. Ferdinand Marcos Jr. ang pagbabago sa political provisions ng Constitution,” reaksyon ni ACT party-list Rep. France Castro.

Ayon sa mambabatas na kabilang sa 6 congressmen na bumoto ng No sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 7, hindi ito naniniwala na sariling kusa ni Gadon ang itinutulak nitong pag-amyenda sa political provisions sa 1987 Constitution.

Ito ay dahil ang unang makikinabang umano sakaling patulan ng Kongreso si Gadon ay si Marcos Jr., lalo na sa pagpapahaba ng term limits, pagtatanggal sa anti-political dynasty provisions at pagpapalit sa porma ng pamahalaan.

Gayunpaman, naniniwala si Castro na lalong isusuka ng taumbayan si Marcos kapag pinatulan ng administration congressmen si Gadon.

“Sa isa pang banda kapag sinunod nila ang pagtutulak ng Cha-cha sa political provisions ay malamang na lalong bababa ang trust at performance rating ni Pres. Marcos Jr. at mga alyado niya dahil di nila pinakikinggan ang daing at kahilingan ng mamamayan,” ani Castro.

Ang tinutukoy ng mambabatas ay ang resulta ng Pulse Asia survey kung saan double digit ang ibinagsak ng trust at approval rating ni Marcos at House Speaker Martin Romualdez na sinasabing dahil sa Cha-cha.

Gadon Dinedma

Kung tinabla ng mga senador ang mungkahi ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon na isama ang political provisions sa aamyendahan sa Saligang Batas, mistulang dinedma naman ito ng mga kongresista.

Pagkatapos personal na dalhin ni Gadon sa Senado ang kanyang dalawang pahinang mungkahi hinggil sa political provisions na aamyendahan, dinala naman nito ang hiwalay na kopya sa Kamara.

Gayunpaman, habang isinusulat ito ay walang congressmen na sumusuporta sa krusada ng adviser ni Pangulong Marcos Jr.

Naglalaman ng pitong mungkahi ang sulat ni Gadon kina Senate President Juan Miguel Zubiri at Speaker Martin Romualdez tulad ng anim na taong termino sa kongresista, governor, vice governor, board members, mayor, vice mayor, municipal at city councilors mula sa kasalukuyang 3 taon.

“To dispel perception of extending incumbent officials’ term, maintain the term limit for president, vice president and senators with no possibility of reelection and retain existing provisions on succession,” ayon pa sa sulat ni Gadon.

Kapag naamyendahan ang Saligang Batas, epektibo lamang ito sa 2028 national election.

Plano ring gawing 48 ang bilang ng mga senador mula sa kasalukuyang 24 dahil sa ngayon aniya ay kokonti ang bilang ng incumbent senators na sumasali sa mga committee hearing.

Bukod dito, nais ni Gadon na palitan ang sistema ng gobyerno ng parliamentary form mula sa kasalukuyang presidential kung saan magkakaroon ng term sharing ang Senate President at Speaker of the House sa Prime Minister position at ang mga ito rin ang magtatalaga ng Cabinet members.

Kahit parliamentary ang porma ng gobyerno, meron pa ring Pangulo bilang Head of State at Commander in Chief, Head of Foreign Relations at magtatalaga ng mga miyembro ng Korte Suprema.

Eco Cha-cha
Mas Challenging

AMINADO naman si Senador Sherwin Gatchalian na mas lalong naging challenging ngayon ang pagpapasa ng economic Charter change bill kasunod ng pinakahuling resulta ng survey na mayorya ng mga Pinoy ang tutol sa pagbabago ng Saligang Batas.

Inamin din ng senador na pag-aaksaya lamang ng panahon at resources ang patuloy na pagsusulong ng pagtalakay ng panukala kung sa bandang huli ay ibabasura lamang ito ng taumbayan sa plebisito.

Isa naman sa sinisisi ni Gatchalian sa naging paniniwala ng publiko sa Charter change ang isinulong na People’s Initiative na naging dahilan ng bangayan ng Kamara at Senado.

Sinabi ni Gatchalian na malaki ang naging epekto ng bangayan ng mga kongresista at mga senador sa paglaki pa ng bilang ng mga Pinoy na tumututol sa pagsusulong ng Cha-cha.

Kasabay nito, inamin din ni Gatchalian na siya mismo na nagsulong ng Resolution of Both Houses No. 1 para sa economic Cha-cha ay nanghihina na ang loob para maaprubahan pa ang pagbabago sa Saligang Batas.

(May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)

40

Related posts

Leave a Comment