QUIBOLOY ISA NANG PUGANTE

ITINUTURING na ngayon bilang “fugitive of the law”si Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy matapos ihain ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang inilabas na warrant of arrest ng Davao Regional Trial Court Branch 12.

Naniniwala naman ang PNP na papayuhan ng kanyang mga legal adviser ang self-proclaimed “appointed son of God” na wanted din sa United States Federal Bureau of Investigation.

Agad bumuo ng tracker team ang PNP para tumulong sa iba pang government agencies na naghahanap kay Quiboloy para pasagutin sa ibinibintang na mga kaso laban dito kabilang ang child abuse.

Una nang lumabas ang mga ulat na nagmamay-ari ng mamahalin at matataas na kalibre ng baril si Quiboloy.

Sa pahayag ni Police Regional Office 11 Director, Police Brigadier General Alden Delvo sa Kampo Crame, sinabi nito na dapat personal na humarap si Quiboloy para maproseso ang kanyang warrant.

Sinabi pa ni Delvo, bilang bahagi ng Standard Operating Procedure, may binuo na silang tracker team para tuntunin ang kinaroroonan ni Quiboloy para maisilbi ang mandamyento de aresto.

Kahapon, nakapaglagak ng piyansa ang tatlo sa limang kasamahan ni Quiboloy sa kaso matapos magpahayag ng kanilang pagsuko sa mga awtoridad, habang patuloy na pinaghahanap ang dalawang iba pa.

Naniniwala rin si Delvo na nasa Pilipinas pa si Quiboloy at tiwala siyang darating ang araw na lulutang ito oras na makumbinsi ng kanyang mga abogado.

(JESSE KABEL RUIZ)

44

Related posts

Leave a Comment