HIGIT 8-M SAKONG BIGAS BINENTA NANG WALANG BIDDING

MATAGAL nang nagbebenta ang National Food Authority (NFA) ng bigas sa private rice traders nang walang bidding.

Isa ito sa mga lumabas sa unang araw ng imbestigasyon ng House committee on agriculture and food sa tinaguriang rice scam na naging dahilan kaya pinatawan ng anim na buwang suspensyon ng Office of the Ombudsman ang 139 opisyales at empleyado ng NFA sa pangunguna ni Administrator Roderico Bioco.

Sa pagtatanong ni Agri party-list Rep. Wilbert Lee, inamin ni NFA assistant administrator John Robert Hermano na mula 2021 hanggang 2023 ay umaabot sa 8 million bags ng bigas ang ibinenta sa private rice traders na walang bidding.

Ayon sa opisyal, noong 2021 ay umaabot sa P4.6 million bags ang ibinenta; 3.6 million bags noong 2022 at 186,000 bags naman noong 2023.

Pondo pinapa-audit

Samantala, inatasan ni Albay Rep. Joey Salceda ang NFA at maging ang Commission on Audit (COA) na i-audit ang P152 billion ng ahensya mula 2018 hanggang 2022.

“The NFA is supposed to have received a total of P85.7 billion in national government subsidies and another P66.3 billion in sales of rice stocks from 2018 to 2022. That totals to P152 billion from those five years alone,” ani Salceda.

Gayunpaman, walang makasagot sa tanong ni Salceda kung papaano nagamit ang perang ito kaya inatasan nito ang NFA at COA na magsumite ng mga kaukulang dokumento upang malaman kung saan napunta ang halagang ito.

“That is additive. Even with a loss incurred of P20 billion – or the difference between the direct cost of rice and the sale of rice – that’s still P132 billion to account for,” ayon pa sa kongresista.

Iginiit din ng mambabatas na hindi lamang ang NFA officials ang dapat panagutin sa rice scam kundi maging ang mga negosyanteng napaboran sa murang bigas na ibinenta sa kanila dahil sila ang kumita.

(BERNARD TAGUINOD)

46

Related posts

Leave a Comment