PANGAKO NINA PBBM, SP ZUBIRI AT CONG. AMBEN

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA ulat ni Senate President Juan Miguel Zubiri, ibinahagi niya ang layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maisama sa 2025 Midterm Elections ang plebesito para sa Economic Cha-Cha.

Ayon sa pahayag ni Zubiri, ito ay naganap sa isang pribadong pulong ng mga senador kasama ang Pangulo sa Malacañang.

Batay sa paliwanag ni Zubiri, kung gagawin ang plebisito bago ang eleksyon, umaabot ito sa P12-bilyon hanggang P14-bilyon na gastos ng gobyerno.

Dahil dito, wala raw makitang rason ang Senate president na madaliin ang proseso ng pagtalakay sa panukalang Economic Cha-Cha o ang Resolution of Both Houses No. 6 ng Senado.

Dagdag pa ni Zubiri, iniisip na rin ng Punong Ehekutibo kung paano makukumbinsi ang Commission on Elections (COMELEC) na maglagay ng rider question kaugnay ng isinusulong na Economic Cha-Cha sa likod ng 2025 ballot.

Sa kabuuan, sinabi ni Zubiri na target ng Senado na tapusin at aprobahan ang resolusyon bago ang sine die break. Layunin ng Pangulo na maisama ito sa eleksyon sa 2025.

Sa gitna ng mga diskusyon sa pagsasakatuparan ng Economic Cha-Cha, isaalang-alang dapat ang kabuuang implikasyon at kahalagahan nito sa bansa. Mahalaga ang pag-aaral at pagtutok sa mga epekto nito sa ekonomiya at sa mamamayan.

Samakatuwid, maaaring maging kritikal sa pagpapasya ang posibilidad ng pagkakaroon ng plebesito sa oras na ito. Dapat itong isakatuparan nang may bukas na isip at tamang pag-aaral sa mga implikasyon nito sa kinabukasan ng bansa.

Samantala, sa bawat hakbang ng isang pinunong lingkod-bayan, mayroong pangakong dala para sa kapakanan at kaunlaran ng kanyang mga nasasakupan. Sa paghakbang sa mundo ng Kongreso, ang pangako ay nagiging pundasyon ng paglilingkod, at ang katuparan nito ay isang patunay ng dedikasyon sa serbisyo-publiko.

Kaya naman bago pa man maupo bilang kongresista, isang mahalagang pangako ang iniharap ni Cong. Amben Amante sa kanyang mga kababayan. Pangako na magtataguyod ng batas na mag-aamyenda sa Centenarian Act upang maagang mapakinabangan ng senior citizens ang kanilang nararapat na mga benepisyo.

Sa paglipas ng panahon, hindi lamang ito naging pangako, kundi isa nang katuparan. Sa paglalakbay ng House Bill 300 sa proseso ng pagiging batas, ang pangarap na mas mabilis at mas maayos na pagtanggap ng mga senior citizen sa kanilang benepisyo ay naging totoo.

Noong Hulyo 26, 2022, isinalang sa unang pagbasa ang panukalang batas na ito, isang simula ng paglalakbay tungo sa pagtupad ng pangako. Kasabay nito, ipinaloob ang mga kahalintulad na panukala mula sa iba pang mambabatas, nagpapakita ng suporta at pakikisama sa adhikain ng pagbibigay ng hustisya sa ating senior citizens.

Ngayon, ang dating pangako ay isa nang batas — ang RA No. 11982 (Amendments to the Centenarians Act of 2016 – An Act Granting Benefits to Filipino Octogenarians and Nonagenarians). Isang tagumpay para sa mga nakatatanda, isang patunay ng paglilingkod na may tunay na pagmamahal at malasakit.

Congratulations, Cong. Amben Amante.

Mabuhay po kayo at God bless!

156

Related posts

Leave a Comment