HOUSE ETHICS COMMITTEE KUMILOS NA VS ALVAREZ

UMAKSYON na ang House committee on ethics laban kay dating House Speaker at Davao del Norte Rep. Pantaleon “Bebot” Alvarez.

Kahapon ay nagkaroon ng unang pagpupulong ang nasabing komite na pinamumunuan ni Coop-Natco party-list Rep. Felimon Esperas na dinggin sa reklamong natanggap ng mga ito laban kay Alvarez.

Hindi idinetalye ang nilalaman ng reklamo subalit kinumpirma ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel, miyembro ng komite, na nagpatawag ng pulong ang kanilang chairman para talakayin ang reklamo laban sa dating House Speaker.

Ayon kay Manuel, susuriin muna kung may basehan ang reklamo laban kay Alvarez bago ito isalang sa pormal na pagdinig kung saan bibigyan ng pagkakataon ang dating Speaker na magpaliwanag o sumagot.

Magugunita na hindi nagustuhan ng administration congressmen ang panawagan ni Alvarez sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Maisug rally sa Davao del Norte kamakailan na iwithdraw ang suporta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Layon ng panawagan ng mambabatas na maiwas ang Pilipinas sa posibleng giyera sa West Philippine Sea (WPS) dahil sa pakikipag-alyansa ni Marcos sa Estados Unidos.

Dahil dito, kinuyog ng kanyang mga kasamahan sa Kongreso si Alvarez dahil hindi umano gawain ng isang nakaupong miyembro ng kapulungan na udyukan ang Sandatahang Lakas na bawiin ang suporta sa nakaupong Pangulo.

Bago ito, hindi rin nagustuhan sa Kamara partikular na sa hanay ng Mindanao congressmen ang plano ni Alvarez kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte na ihiwalay ang kanilang rehiyon

sa Pilipinas.
Huling isinalang sa Ethics investigation si dating Negros Oriental Rep. Arnulfo “Arnie” Teves Jr., dahil sa hindi pagpasok sa trabaho na kalaunan ay sinibak bilang kongresista pagkatapos ang ilang suspensyon na ipinataw ng komite sa kanya.

(BERNARD TAGUINOD)

41

Related posts

Leave a Comment