WAGE RATES REVIEW NI MARCOS PALABAS LANG -SOLONS

NAGBUBULAG-BULAGAN si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kalagayan ng mga manggagawa sa bansa.

Tugon ito ng Makabayan bloc sa Kamara sa kautusan ni Marcos sa irebyu ang wage rates sa buong bansa sa gitna ng panawagan ng mga manggagawa na itaas ang kanilang sahod noong Labor Day.

“Seryoso ba talaga si Marcos Jr., dun sa pagtaas ng suweldo ng ating manggagawa? Kasi bakit nasa review phase pa rin siya? Hindi ba niya nakikita ang inflation?,” ani ACT party-list Rep. France Castro sa press conference kahapon.

Sinabi ng mambabatas na kung nais ni Marcos na magkaroon ng maayos ng sweldo ang mga manggagawa, hindi pagrerebyu ang kailangang iutos kundi pagsertipika bilang urgent bill sa across the board wage increase.

Ganito rin ang reaksyon ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel na naniniwalang hindi talaga seryoso ang Pangulo na itaas ang sahod ng mga manggagawa dahil ipinapasa nito ang responsibilidad sa mga regional wage board na anila’y inutil.

Sa ngayon dinidinig pa rin sa Kamara ang P150 across the board wage hike na hindi agad naaksyunan dahil ayaw sertipikahan ni Marcos bilang urgent bill.

“Nakapadali niyang i-certify ang Maharlika Investment bill at mandatory ROTC pero itong wage hike na malapit sa sikmura ng mga tao ay ayaw niyang icertify,” ayon pa kay Manuel.

Kapwa hindi umaasa ang dalawang mambabatas na magkakaroon ng positibong aksyon ang mga regional wage board sa kautusang ito ng Pangulo dahil inutil anila ang mga ito at walang pagpapahalaga sa kapakanan ng manggagawa.

(BERNARD TAGUINOD)

47

Related posts

Leave a Comment