KAMARA HUGAS-KAMAY SA KUDETA SA SENADO

MISTULANG hugas-kamay ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa alegasyon na galing sa kanila ang impormasyong ikukudeta si Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri sa gitna ng ‘hidwaan’ ng dalawang kapulungan hinggil sa People’s Initiative (PI).

Sa press conference kahapon, itinanggi ng mga mambabatas ang pahayag ni Sen. JV Ejercito na posibleng galing sa Kamara ang coup rumors sa Senado dahil lumutang ito sa gitna ng kontrobersyal na PI kung saan nadadawit ang pangalan ng mga kongresista.

“I don’t know they keep on tagging us every time there’s an issue coming up,” ani Lanao del Sur Rep. Zia Alonto.

Ayon sa mambabatas, labas ang Kamara sa mga isyung panloob sa Senado kaya walang dahilan para makialam ang mga ito sa nasabing kapulungan.

“Bakit pag nag-away-away ang Senado kami pa rin po ang may kasalanan. Wala naman pong kinalaman ang House of Representatives sa gusto ng Senado in term of leadership,” ayon naman kay PBA party-list Rep. Margarita Nograles.

“We have nothing to do with the internal rules of the Senate,” dagdag pa nito kaya hindi umano makatwiran na isisi sa kanila ang coup rumors sa liderato ni Zubiri.

Sinabi naman ni 1RIDER party-list Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez na mismong sila ay nasorpresa na nadamay ang Kamara sa isyu ng kudeta sa Senado gayung may ilang senador umano ang nagsabi na “congressman lang” sila.

“Napakalakas naman po namin kung may impluwensya kami sa upper chamber,” ani Gutierrez.

Ang pinag-uusapan lamang aniya ay ang vote jointly subalit biglang isinabit ang mga ito sa kudeta sa Senado.

(BERNARD TAGUINOD)

45

Related posts

Leave a Comment