PAMAMAHAGI NG BIGAS SA 4Ps MAHIRAP – DSWD

“LOGISTICALLY hard” kung ituring ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang panukalang bigas sa halip na pera ang uri ng tulong na ibigay sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Gatchalian na masusing pinag-aaralan ng DSWD at Department of Agriculture (DA) ang nasabing panukala.

“We always say it’s logistically hard pero patuloy kaming nag-uusap ng Department of Agriculture kung paano ma-implement ito. Kaya logistically hard, kasi kung iisipin ninyo kalat-kalat ‘yung ating mga benepisyaryo… 4.4 million spread across different areas in the country, sometimes in the most geographically isolated and disadvantaged areas, mga bundok, mga isla,” ayon kay Gatchalian.

Winika pa ni Gatchalian na ang magiging alalahanin na lamang ay ang storage na paglalagyan ng bigas sa oras na maisulong na bigas sa halip na cash ang ibigay na tulong.

Tinuran ni Gatchalian na sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, present sa sectoral meeting na ang cost analysis ay dapat gawin kaugnay sa panukalang ito.

”Sabi nga ni Secretary Balisacan, we have to do a cost analysis. Baka naman ‘yung binibigay natin na tulong eh ma-diminish dahil nga doon sa hirap naman na kunin,” aniya pa rin.

Nauna rito, sinabi naman ni DA Undersecretary Roger Navarro na tinitingnan ni Pangulong Ferdinand Marco Jr., ang panukala na bigas ang ibigay na tulong sa ilalim ng 4Ps ng DSWD sa halip na pera.

Ayon pa kay Navarro, ang i-convert ang 4Ps sa pamamagitan ng pagsu-suplay ng bigas sa halip na pera ay maaaring makapagpagaan sa rice inflation.

Ipinatutupad ng DSWD, ang 4Ps ay ang national poverty reduction strategy ng gobyerno gaya ng nakasaad sa ilalim ng Republic Act 11310 o “An Act institutionalizing Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps)” na nilagdaan noong Abril 17, 2019.

(CHRISTIAN DALE)

90

Related posts

Leave a Comment