KANSELASYON NG PRANGKISA NG SMNI DADAAN SA BICAM

HINDI magagaya sa ABS-CBN ang Sonshine Media Network International (SMNI) dahil kailangang idaan sa bicameral conference committee ang pagkansela sa kanilang prangkisa.

“Opo kailangang dumaan sa Senado ito. This will pass a regular process. Kailangang ipass sa plenaryo for second and third reading at dadalhin sa bicam,” pahayag ni Parañaque Rep. Gus Tambunting, chairman ng House committee on legislative franchise sa press conference kahapon.

Noong Lunes ng hapon ay inaprubahan ng komite ang House Bill (HB) 9710 para bawiin ang prangkisa ng Swara Sug Media Corporation na ginagamit ng SMNI base sa mosyon ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel kaugnay umano sa iba’t ibang paglabag ng SMNI.

Dahil dito, nakatakdang iakyat sa plenaryo ang committee report para pagdebatehan bago isalang sa ikalawa at ikatlong pagbasa at kailangan ang hiwalay na aksyon dito ng Senado bago magharap ang dalawang kapulungan sa Bicam.

Taliwas ito sa sinapit ng ABS-CBN na sa committee level pa lamang ay ibinasura na ang kanilang aplikasyon para sa bagong prangkisa.

Ayon sa mga eksperto sa Kamara, magkaiba ang kaso ng ABS-CBN at SMNI dahil ang una ay nag-apply pa lamang habang ang huli ay may umiiral na prangkisa na ibinigay ng gobyerno noong 2019.

“Since batas ang franchise ng SMNI at pinare-revoke, kailangan ang batas na ipapasa ng both congress para marevoke,” ayon sa isang abogado sa Kamara.

Samantala, hindi muna ipatutupad ang arrest order laban kay Pastor Apollo Quiboloy dahil pinayagan ng komite ang kahilingan ni Atty. Ferdinand Topacio na kausapin ang kanyang kliyente para kumbinsihin na dumalo sa hearing ng Kamara.

Binigyan ng tatlong araw mula kahapon si Topacio at kapag hindi nagpakita si Quiboloy sa Kongreso ay ipatutupad ang warrant of arrest.

(BERNARD TAGUINOD)

35

Related posts

Leave a Comment