Koneksyon sa reclamation projects tutukuyin SUNOG SA COASTAL COMMUNITIES SADYA?

DUDA ang Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa sunod-sunod na sunog sa mga coastal community sa Cavite kung saan may mga nakabinbing reclamation projects kaya magpapaimbestiga na ang mga ito.

Kasama ang grupong Pamalakaya at Kadamay, inihain ng mga miyembro ng Makabayan bloc ang House Resolution (HR) 1653 para atasan ang mga kinauukulang komite na imbestigahan ang mga sunog na ito.

Una anilang nasunog ang Coast Community sa Barangay Medicion 2-B sa Imus, Cavite noong Enero 17 kung saan may 11 pamilya ang naapektuhan at noong Pebrero 8, ay nagkaroon naman ng sunog sa Brgy. Aniban 3 sa Bacoor City.

May 50 pamilya naman ang naapektuhan nang magkaroon ng sunog sa Brgy. Pulvorista sa Kawit, Cavite noong Pebrero 9 at kinabukasan, Pebrero 10, ay 91 pamilya naman ang nasunugan sa Manggahan St., Brgy. Niog I, Bacoor City.

Matapos ang isang linggo, o noong Pebrero 17, nagkaroon ulit ng sunog sa Niog I, Bacoor City kung saan 50 kabahayan ang natupok at 328 residente ang naapektuhan habang noong Pebrero 24, nagkasunog din sa Brgy. Alima, Bacoor City.

Gayundin sa Brgy. Talaba, Bacoor noong Pebrero 27, habang nito lang Marso 5 ay nasawi ang may 4 residente sa Brgy. Biwas, Tanza matapos ding magkasunog.

“Whereas, most of the affected urban poor and coastal communities are covered by various infrastructure and reclamation projects. These projects include the Manila-Cavite Toll Expressway (MCTEX) in five towns, and the 420 hectares reclamation in Bacoor City,” ayon sa resolusyon.

Ayaw umanong paniwalaan ng Pamalakaya-Cavite at maging ng Kadamay na aksidente ang mga sunog kundi sinadya kaya kailangan itong imbestigahan ng Kongreso.

Ayon pa sa resolusyon, libong residente na ang naapektuhan sa reclamation projects sa Bacoor City na pansamantalang ipinatigil dahil sa verbal order ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., noong nakaraang taon.

(BERNARD TAGUINOD)

47

Related posts

Leave a Comment