PAGBAWI SA PRANGKISA NG SMNI SASALANG NA SA 3RD READING

PAGTITIBAYIN sa ikatlo at huling pagbasa ang pagbawi sa prangkisa ng Swara Sug Media Corporation na ginagamit ng Sonshine Media Network International (SMNI) sa Miyerkoles.

Ito ang kinumpirma ni Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez sa press conference kahapon matapos aprubahan sa ikalawang pagbasa noong nakaraang linggo ang committee report ng House committee on legislative franchises na binabawi ang prangkisa ng SMNI.

Ayon kay Suarez, nabigo ang pamunuan ng SMNI na patunayang hindi nila nilabag ang kanilang prangkisa sa pagpapakalat ng fake news.

Dahil regular bill ang pagbawi sa prangkisa ng SMNI, kailangan lamang ang majority votes para maipasa ito sa ikatlo at huling pagbasa.

Gayunpaman, posibleng matengga ang nasabing panukala dahil kailangan munang magpasa ng kahalintulad na panukala ang Senado bago magharap ang dalawang kapulungan sa Bicameral Conference committee.

Sa ngayon ay walang panukalang batas na nakahain sa Senado para sa pagbawi sa prangkisa ng SMNI.

Quiboloy ipapasa sa Senado

Samantala, sinabi ni 1Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez na isa sa mga opsyon ng Kamara sakaling sumuko o kaya maaresto si Pastor Apollo Quiboloy ay ibigay o ipasa siya sa Senado.

Sa paliwanag ni Gutierrez, tapos na ang committee hearing sa pagbawi ng prangkisa ng SMNI at bagama’t tuloy pa ang imbestigasyon sa fake news peddling, mas kailangan aniya ng Senado ang lider ng Kingdom of Jesus Christ.

“Baka mas appropriate na ang detention order be with the Senate. Again this is ah, all up to the leadership. Hindi pa tayo sigurado..baka it might be more relevant for the Senate to take the lead.

Of course if the House Sgt-at-arms seeks out a detention order, the custody could be passed on to Senate rin,” ani Gutierrez.

(BERNARD TAGUINOD)

34

Related posts

Leave a Comment