Laglagan ng Marcos-Romualdez IMEE: PATALSIKIN SI SPEAKER MARTIN

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

TULOY ang paglaglag ni Senator Imee Marcos sa pinsang si House Speaker Martin Romualdez matapos nitong muling pagbintangan ang huli na nasa likod ng maugong na kudeta sa Senado.

Kinumpirma ni Imee na may ugong na patalsikin si Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri ngunit hindi aniya nanggaling sa Senado kundi sa Mababang Kapulungan na pinamumunuan ni Romualdez.

“Lahat ng ugong galing sa Kongreso, hindi sa mga senador,” ayon kay Marcos sa isang panayam.

“Nakakatawa nga eh. Palitan na lang kaya nila yung Speaker, bakit nila papakialaman yung SP, aniya na tumutukoy kay Romualdez.

Ayon kay Imee, hindi hindi magtatagumpay ang pagpapatalsik kay Zubiri sa ngayon dahil walang numero o kulang ang boses ng mga nagsusulong nito.

Sinang-ayunan naman ni Senator Sonny Angara ang posisyon ni Sen. Marcos na posibleng galing sa labas ang pagpapalutang na papalitan ang Senate leadership.

Loyalty check

Sa gitna ng muling pag-ugong ng kudeta, mistulang nagkaroon ng “loyalty check” sa Senado kamakalawa ng gabi.

Nilagdaan ng 14 sa 24 na senador ang isang statement na nagpapakita ng kanilang pagsuporta kay Zubiri.

Kabilang sa mga pumirma ay sina Senate President Pro Tempore Loren Legarda, Majority Leader Joel Villanueva, Senators Sherwin Gatchalian, Sonny Angara, JV Ejercito, Grace Poe, at Nancy Binay.

Kasama rin sina Senators Lito Lapid, Raffy Tulfo, Mark Villar, Ronald “Bato” dela Rosa, Francis Tolentino at Christopher “Bong” Go habang lumagda rin mismo si Zubiri.

Nakasaad sa pahayag ang papuri kay Zubiri sa kanyang pagpapanatili ng dignidad at independence ng Senado bilang bahagi ng demokrasya ng bansa.

Binigyang-diin pa sa pahayag na ang Senado sa kasalukuyan ay ang maituturing na pinakasolido sa kasaysayan dahil sa consensus-building at consultative leadership na ipinatutupad ni Zubiri.

Napatunayan anila ito sa pagharap ni Zubiri sa kontrobersyal sa People’s Initiative na tinutulan ng Senado.

Kabilang naman sa mga hindi lumagda sa statement of support sina Senators Jinggoy Estrada, Ramon “Bong” Revilla Jr., Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Francis Escudero, Imee Marcos, Robin Padilla at Cynthia Villar.

(May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)

47

Related posts

Leave a Comment