OTOMATIKONG isasailalim sa lifestyle check ang lahat ng mga operatiba ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PDEG) kada anim na buwan upang malaman kung yumayaman ang mga ito habang nasa gitna sila ng kampanya laban sa sindikato ng droga.
Ito ang isa sa mga rekomendasyong inilatag ng Special Investigation Task Group (SITG) 990 sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng House committee on dangerous drugs ukol sa tangkang cover-up sa kaso ni Police Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr.
“Conduct of financial investigasyon and lifestyle check on PDEG personnel every six months,” pahayag ni BGen. Samuel Nacion sa nasabing komite na pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.
Ang SITG ay itinatag ng PNP para imbestigahan ang mga operatiba ng PDEG na kasama sa mga operasyon laban kay Mayo noong October 8, 2022 kung saan nakumpiskahan ito ng 990 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 billion sa kanyang WPD lending office sa Tondo, Manila.
Bukod dito, lahat ng mga itatalagang pulis sa PDEG ay iba-background check muna aniya ng liderato ng PNP at hanggang 3 taon lamang ang mga ito sa anti-narcotics operation.
Layon umano nito na masiguro na hindi magiging tiwali ang mga operatiba ng PDEG at maiwasan na magkaroon ng tulad ni Mayo sa kanilang hanay.
Samantala, nadiin naman sa nasabing imbestigasyon si Lt. Col. Arnulfo Ibañez matapos ikanta ni dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) director general Wilkins Villanueva na nasa radar at iniimbestigahan nila ito dahil sa ilegal na droga.
Inamin ni Villanueva na siya ang nag-text kay dating PNP Chief Rodolfo Azurin na mag-amo sina Ibañez at Mayo matapos malaman na hindi lumutang agad ang pangalan ng huli.
Ito ang dahilan kaya pinatigil ni Azurin ang isa pang operasyon sa Pasig City kung saan gagamitin umano ng PDEG si Mayo dahil sa pangambang papatayin ito ni Ibañez.
Sinabi ni Villanueva, noong nasa PDEA ito ay nasa radar na umano nila si Ibañez dahil ang isa sa mga nahuli nila sa ilegal na droga ay ‘asset’ umano ng nasabing opisyal at ineskortan pa nito nang makalaya sa Quezon City Jail.
Maging ang umano’y pakikialam ni Ibañez sa isang operasyon sa Pampanga kahit suspendido ito ay nag-udyok sa PDEA para imbestigahan ito. (BERNARD TAGUINOD)
200