ISINAILALIM ng Commission on Elections (Comelec) sa kanilang kontrol ang bayan ng Pilar sa lalawigan ng Abra matapos na ikonsidera itong nasa red category at ma-validate ang incident report na natanggap
Ito ay bunsod ng shooting incident sa nasabing bayan na ikinamatay ng bodyguard ni Pilar Vice Mayor Jaja Josefina Somera Disono.
Nagkaroon muna ng stand-off sa pagitan ng mga pulis at mga tauhan ng alkalde bago tuluyang napayapa ito.
Inihayag ni Comelec Committee on the Ban on Firearms and Security Concerns (CBFSC) Commissioner Aimee Ferolino, isang sensitibong usapin ang paglalagay ng isang lugar sa ilalim ng kontrol ng Comelec.
Ayon kay Ferolino, kinakailangan na ibatay ng komisyon ang kanilang magiging desisyon sa formal reports ng mga deputy in charge sa security, peace and order.
Nabatid na tuloy-tuloy pa rin ang ginagawa nilang nilang pagbeberipika sa mga ulat na kanilang natanggap hinggil sa nasabing insidente.
Nakatakda namang pagpasyahan ng committee ang isyung ito sa Comelec control sa oras na matanggap na nila ang resulta ng validation reports sa susunod na pagpupulong ng CBFSC.
Samantala, nilikida ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang magtiyuhin habang naghahapunan sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Cardona sa bayan ng Dolores, Abra nitong nakalipas na linggo
Lumitaw sa inisyal na pagsisiyasat, habang kumakain ang mga biktima kasama ang iba nilang kamag-anak sa labas ng kanilang bahay ay bigla na lamang silang pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang mga suspek gamit ang M-16 rifle.
Dead on the spot ang mga biktima, na hindi pa pinangalanan, dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
May ‘person of interest’ na ang mga pulis at lumalabas na personal na dahilan ang motibo sa krimen na itinanggi munang idinetalye ng mga pulis. (JESSE KABEL)
119