MGA DAPAT GAWIN KAPAG NAGBABANTA SA IYO ANG ASO – PAWS

PARA makaiwas sa panganib, pinayuhan ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) nitong Miyerkoles ang publiko kung ano ang gagawin sakaling magdulot ng takot sa kanila ang isang aso kasunod ng mga ulat ng isang labrador retriever na binugbog hanggang mamatay sa Camarines Sur.

Ayon kay PAWS executive director Anna Cabrera, dapat tumawag ang mga concerned citizen sa city veterinary office o city pound para mahuli ang nagbabantang aso.

“Ang animal control iyan ay naka-incorporate sa ating mga [local government units],” sabi ni Cabrera.

“So, kapag mga asong gala or posing as a risk to health or property, halimbawa dahil may nangangagat, pwedeng tawagan lang iyong city veterinarian office niyo o city pound. Sila po yung may expertise kung paano hulihin ito,” dagdag pa nito.

Gayunpaman, kung ang aso ay nasa akto ng pag-atake sa isang tao, sinabi ni Cabrera na dapat na nilang ipagtanggol ang kanilang sarili.

“Unless, yun na nga, actually, in the act na inatake na po kayo at kailangan niyo na pong depensahan ang sarili niyo,” dagdag pa nito.

Sa kaso ni Killua, ang tatlong taong gulang na aso na binugbog hanggang mamatay ng isang kapitbahay sa Camarines Sur, sinabi ni Cabrera na ang tatlong elemento ng pagtatanggol sa sarili ay wala sa sitwasyon.

Ang mga elementong ito ay: labag sa batas na pagsalakay; makatwirang pangangailangan; at kawalan ng probokasyon sa bahagi ng taong nagtatanggol sa kanilang sarili.

Dahil sa pagpatay sa aso, sinabi ni Cabrera na maaaring maharap ang suspek ng hanggang dalawang taong pagkakakulong at multang aabot sa P100,000.

Inilarawan naman nina Senador Grace Poe at Senador JV Ejercito na nakadudurog ng puso ang ginawa ng isang Anthony Solares na pag-atake at pagpatay sa aso.

Kasunod ito ng pag-viral sa social media ng CCTV footage ni Solares na hinabol at pinagpapalo hanggang mamatay ang golden retriever na si Killua.

Iginiit ni Poe na mahalagang maipaalala sa publiko na may batas na nagpaparusa sa sinomang masasangkot sa animal cruelty.

Para maipabatid sa mga tao ang pagbibigay proteksyon at pangangalaga sa mga alagang hayop, inihain ni Poe ang Senate Bill 2458 o ang Revised Animal Welfare Act kung saan mandatory nang isasama sa curriculum ng primary at secondary education ang Animal Welfare Education.

Bubuo rin ng Barangay Animal Welfare Task Force na siyang agad tutugon sa animal welfare issues sa nasasakupan.

Hinimok naman ni Ejercito ang publiko na palagiang magpakita ng malasakit sa mga alagang hayop at bigyan sila nararapat na pag-aalaga.

Kahapon, ay binuksan ang Senado sa pets at kinumpirma ang plano nilang gawing “pet-friendly” ang lilipatang new Senate building sa BGC sa Taguig.

(PAOLO SANTOS, DANG SAMSON-GARCIA)

96

Related posts

Leave a Comment