KAMARA MALAMIG SA ANTI-DYNASTY LAW

MALAMIG ang ilang administration congressmen sa usapin ng anti-political dynasty na nais ng isang grupo ng mga abogado sa University of the Philippines (UP) na maisabatas kaya nagpasaklolo na ang mga ito sa Korte Supreme.

Sa press conference kahapon ng majority bloc sa Kamara, sinabi ni Quezon Rep. David Suarez na tuwing ikatlong taon ay humaharap ang mga politiko sa eleksyon at ibinoboto sila ng kanilang mga constituent.

“The Filipino people can properly decide who and who are not capable of doing that job. And let us not forget we’re putting ourselves through referendum when we seek reelection,” ani Suarez.

Magugunita na naghain ng petisyon ang UP lawyers upang pilitin ang Kongreso na magpasa ng anti-political dynasty tulad ng nakasaad sa Saligang Batas na naglalayong pagbawalan ang isang pamilya na sabay-sabay tumakbo sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno.

Ginawa ng mga abogadong sina Rico Domingo, Wilfredo Trinidad, Jorge Cabildo at Ceasar Oracion ang nasabing hakbang dahil matapos ang 37 taon mula nang mabuo ang 1987 Constitution ay wala pang ginagawang batas ang Kongreso para ipagbawal ang political dynasty.

“Wala naman talagang direktang term ng political dynasty dahil nag-e-elect naman tayo,” ayon naman kay La Union Rep. Francisco Paolo Ortega.

“I just don’t find it appealing to me personally that you disqualify individual merely on the basis of blood relations,” komento naman ni Lanao del Sur Rep. Alonto Adiong.

Ayon sa mambabatas, tiyak na mauubusan ng kandidato kapag nagkaroon ng anti-political dynasty.

Imbes na anti-political dynasty aniya ang gawing batas ay dapat magpasa ng panukala na magpapalakas sa political system sa bansa kung saan ang partido ang magdedesisyon kung sino ang tatakbo sa isang lugar sa pamamagitan ng convention.

(BERNARD TAGUINOD)

39

Related posts

Leave a Comment