MGA KONTRA SA GOBYERNO HINDI DAPAT KASUHAN

(DANG SAMSON-GARCIA)

HINDI pinaboran ng minority leader ng Senado ang posibleng paghahain ng mga kasong kriminal sa mga nagkokomento sa iba’t ibang isyu sa pamahalaan.

Ani Senate Minority Leader Koko Pimentel, kailangan din namang pakinggan ang mga pananaw ng mga tao at huwag silang pigilang magsalita bilang paggalang sa kanilang right to free speech.

Kasabay nito, nanawagan si Pimentel sa lahat na huwag nang hilahin o isama pa sa pulitika ang Armed Forces of the Philippines (AFP).

Partikular na umapela si Pimentel kay Cong. Pantaleon Alvarez makaraang manawagan ang huli sa militar na mag-withdraw ng suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil hindi nito nagustuhan ang pagtugon sa problema sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Pimentel na ang political leadership sa bansa ay dapat nireresolba sa pamamagitan ng maayos at tapat na halalan.

Dapat anyang protektahan ang militar mula sa pamumulitika upang matiyak na mananatili itong professional, disiplinado at inspiradong grupo.

Alvarez Namumuro sa Rebelyon

Kaugnay nito, namumuro umano sa kasong sedition o kaya rebelyon si dating House Speaker at Davao del Norte Rep. Pantaleon “Bebot” Alvarez dahil sa panawagan nito sa AFP na mag-withdraw ng suporta kay Marcos Jr.

Bukod dito, posible rin siyang ipagharap ng kaso sa House ethics committee na maaaring maging dahilan para matanggal siya bilang miyembro ng Kapulungan.

“The remarks of the former speaker are uncalled for. That is tantamount to an act of sedition or rebellion,” ani Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel.

Sa prayer rally sa Tagum City, Davao del Norte, direktang nanawagan si Alvarez sa AFP na bawiin na ang suporta kay Marcos upang maiwasan anyang mauwi sa gulo ang girian ng Pilipinas at China sa WPS.

“Pag sumabog ang gulo sa West Philippine Sea, there will be countless of dead bodies, there would be unimaginable destruction, famine, hunger. Kaya bago mangyari ‘yan lahat, nakikiusap ako sa inyo (AFP), we don’t have to hurt each other, we don’t have to fire a single shot. Simple lang, sa mapayapang paraan please withdraw your support to the chief executive,” ani Alvarez.

Magugunita na noong Marso ay hinamon ni Alvarez si Marcos na mag-resign at ibigay ang pamamahala ng bansa kay Vice President Sara Duterte upang mawala aniya ang tensyon sa WPS.

Hinamon naman ni Camiguin Rep. Jurdin Jesus Romualdo ang Department of Justice (DOJ) na imbestigahan si Alvarez at kasuhan kung kinakailangan dahil sa “seditious statement”.

AFP, PNP Hindi Kakalas

KAPWA tinabla ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang panawagan na abandonahin nila ang administrasyon Marcos Jr.

Para kay AFP Chief of Staff General Romeo Brawner, hindi ito ang unang pagkakataon na may nanawagan ng withdrawal of support ng AFP kay Pangulong Marcos.

“But our answer is always the same that the AFP remains to be a professional organization, very clear po ‘yung mandate natin, we will protect the constitution and we will follow the duly constituted authorities.”

“In other words, we will follow the chain of command and the president is our commander in chief. Whoever the president is its very clear that we will follow the chain of command, susundan namin ang mga utos ng ating commander in chief who is also our president and klarong klaro ‘yun sa lahat ng mga sundalo,” ayon sa heneral.

Pagtiyak din ni Col. Francel Margareth Padilla, AFP spokesperson, “Umasa po ang ating mga kababayan na mananatili ang hukbong sandatahan na nakatuon sa pangangalaga sa soberanya at territorial integrity ng bansa anoman ang political affiliations or individuals na siyang nasa kapangyarihan”.

Ganito rin ang posisyon ng PNP, ayon kay PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo.

Aniya, walang nakikitang dahilan ang PNP para bawiin ang suporta at katapatan ng buong hanay ng Pambansang Pulisya sa administrasyong Marcos Jr.

Ayon kay PCol. Fajardo, walang basehan ang mga panawagan para alisan ng suporta ng kapulisan ang mga opisyal ng pamahalaan na iniluklok ng konstitusyon, at ito aniya ay kanilang iginagalang. Huwag na anyang idamay pa ang uniformed personnel sa ganitong uri ng mga isyu na may kaugnayan sa usaping pulitikal.

(May dagdag na ulat sina BERNARD TAGUINOD at JESSE KABEL RUIZ)

35

Related posts

Leave a Comment