DAPAT matukoy kung sino ang nasa likod ng pagsisingit ng P14 bilyong pondo sa Commission on Elections para sa isinusulong na Charter change.
Ito ang iginiit ni Senador Imee Marcos sa gitna ng pagtataka kung paano naipasok sa General Appropriations Act ang sinasabing pondo.
Ipinaliwanag ng senador na maging siya na Senate committee on finance vice chairman na in-charge sa pondo ng poll body ay walang alam sa naturang alokasyon.
Iginiit ng mambabatas na kung sinoman ang nagsingit ng alokasyon na ito ay dapat patawan ng parusa at sa lalong madaling panahon ay ibalik sa tamang pagkakagastusan ang naturang pondo.
Una nang isiniwalat ni Albay Rep. Edcel Lagman na inaprubahan sa bicameral conference committee ang paglalaan ng P14 billion sa Comelec sa ilalim ng 2024 national budget para sa pagsasagawa at superbisyon ng eleksyon, referendum, recall votes at plebisito.
Gayunman, itinanggi ito ni Comelec Chairman George Garcia at iginiit na ang alokasyon ay para sa paghahanda sa 2025 national and local elections.
Tuloy ang ‘PI’
Nagbago ng estratehiya ang mga nangangalap ng lagda para sa People’s Initiative.
Ito ang inihayag ni Senador Imee Marcos makaraang ibunyag na mga contractor naman ngayon ng Department of Public Works and Highways ang nangunguna sa pagpapapirma.
Sinabi ni Marcos na sa kabila ng naging kasunduan ng liderato ng Senado at Kamara sa harap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isusulong na ang pagbabago sa economic provision ng Saligang Batas, ay tuloy-tuloy ang People’s Initiative.
Subalit sa ngayon anya ay pahinga muna ang mga kongresista at alkalde.
Una nang ibinunyag ng senador ang mga umano’y suhulan kapalit ng lagda sa People’s Initiative na naglalayong isulong ang joint voting ng Kamara at Senado para sa Cha-cha.
Naghain na rin ng resolusyon ang mambabatas upang imbestigahan ng Senado ang naturang mga alegasyon.
(DANG SAMSON-GARCIA)
100