NFA HIHIGPITAN SA PAGBEBENTA NG BIGAS

MAPIPILITAN ang Kongreso na amyendahan ang Republic Act (RA) 11203 o Rice Tariffication Law dahil sa anomalya sa National Food Authority (NFA) na nagbenta ng bigas sa pribadong negosyante at ikinalugi ng gobyerno.

Sa isang panayam, sinabi ni AGAP party-list Rep. Nicanor Briones na kailangang amyendahan ang nasabing batas dahil sa nangyayari ngayon sa mga magsasaka at maging ang anomalyang kinasasangkutan ni suspended NFA Administrator Roderico Bioco at mga kasamahan nito.

Isa sa mga irerekomendang amendments sa nasabing batas ang pagsasaayos sa NFA upang hindi na maulit ang pagbebenta ng bigas sa murang halaga tulad ng ginawa nina Bioco na ikinalugi ng gobyerno ng P167,500,000.

Sa pagdinig ng House committee on agriculture and food, inamin ni Bioco na nakapagbenta ang mga ito ng 150,000 bags ng bigas sa pribadong sektor sa halagang P25 kada kilo.

Gayunpaman, P34 umano ang puhunan ng NFA sa bawat kilo ng bigas kaya nalugi ang gobyerno ng P9 kada kilo dahil 7.5 million kilo ang katumbas ng 150,000 bags ng bigas.

Samantala, tiniyak ni Briones na hindi makalulusot si Bioco at iba pang opisyales ng NFA sa nasabing anomalya.

“Siguradong magrerekomenda ng pagsasampa ng kaso. Malinaw naman na maraming lapses, at maraming mali. Mukhang mas pinaboran ang traders. Hindi nila inisip ang mawawala sa gobyerno,” ani Briones.

(BERNARD TAGUINOD)

56

Related posts

Leave a Comment