NASA kritikal na kondisyon sa Philippine General Hospital (PGH) ang isang 24-anyos na construction worker makaraang saksakin sa tiyan ng kapwa obrero sa Block 4, New Site, Barangay 649, Baseco Compound, Port Area, Manila nitong Miyerkoles ng umaga.
Agad namang nadakip ang suspek na kinilalang si Jayson Varona, 47, tubong Palo, Leyte, dahil sa maagap na aksyon ng mga tauhan ni Police Lieutenant Colonel Emmanuel “Mike” Gomez, commander ng Manila Police District-Baseco Police Station 13.
Inoobserbahan sa nabanggit na pagamutan ang biktimang si Jaba Sawajaan, 24, ng Barangay 649, Baseco Compound.
Base sa ulat ni Patrolman Andrew Vince Remollino, bandang alas-6:00 ng umaga nang bigla na lamang umanong saksakin ng suspek ang biktima sa nasabing lugar habang nakikipag-inuman ang dalawa sa mga kasama nila sa trabaho.
Ang nasabing suspek ay nahaharap sa kasong frustrated murder.
(RENE CRISOSTOMO)
194