CAVITE – Umabot sa P136 milyong halaga ng umano’y shabu ang nasamsam sa arestadong tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Bacoor City sa lalawigang ito, noong Lunes ng gabi.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspek na sina Isaac Gabriel Ambulo y Paydon, 29; Roman Hosias Ambulo y Paydon, 25, tricycle driver, at Abdurrahim Ambulo y Disomimba, 41, habang pinaghahanap pa ng pulisya ang dalawa pa nilang kasamahan na sina Saddam Hadji Gaffor at Nabil Madarang na nakatakas.
Ayon sa ulat, dakong alas-6:15 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang pinagsamang pwersa ng SOU NCR, PNP DEG (lead unit), SOU 4A, SDEU, Bacoor CPS, PDEU, Cavite PPO, RID, RDEU, RSOG PRO 4A, CIDG RFU PRO4A, RIU 4A, PDEA NCR at PDEA 4A sa Molino Blvd., Mambog IV, Bacoor City na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlong suspek ngunit nakatakas ang dalawa nilang kasamahan.
Nakuha mula sa mga suspek ang 20 kilo ng hinihinalang shabu na may street value na P136,000,000; isang motorsiklo, Honda Civic na may plakang ZDJ 368; iba’t ibang Identification Cards (ID); buy-bust money at dalawang unit ng cellular phone.
Nabatid na ang mga suspek ang pinanggagalingan umano ng mga shabu na ipinakakalat sa National Capital Region (NCR), Cavite at karatig na mga lungsod at lalawigan. (SIGFRED ADSUARA)
99